Ebanghelyo: Mateo 14:13-21
Nang marinig ito ni Jesus, lumayo siya at namangka na sila-sila lang patungo sa ilang na lugar. Ngunit nalaman ito ng mga tao at sumunod sila sa kanya na naglalakad mula sa kanilang mga bayan. Pagdating ni Jesus sa pampang, nakita niya ang maraming taong nagkakatipon doon at naawa siya sa kanila. At pinagaling niya ang mga maysakit.
Nang hapon na, lumapit sa kanya ang mga alagad at sinabi: “Nasa ilang na lugar tayo at lampas na ang oras. Paalisin mo na ang maraming taong ito para makapunta sila sa mga nayon at makabili ng kani-kanilang pagkain.”
Ngunit sumagot si Jesus: “Hindi na nila kailangang umalis pa; kayo ang magbigay sa kanila ng makakain.” Sinabi nila: “Wala kami rito kundi limang tinapay at dalawang isda.” Sinabi niya: “Akin na.”
At iniutos niyang maupo sa damuhan ang makapal na tao. Kinuha niya ang limang tinapay at dalawang isda, tumingala sa langit, nagpuri, hinati ang mga tinapay at ibinigay sa kanyang mga alagad; at ibinigay rin nila sa mga tao. At kumain silang lahat at nabusog, at inipon nila ang mga natirang pira-piraso – labindalawang punong basket. Mga limanlibong lalaki ang napakain bukod pa sa mga babae at mga bata.
Pagninilay
Sa Ebanghelyo, marami ang sumunod kay Jesus sa pagnanais na mapakinggan ang Kanyang mga turo. Nagbabakasakali rin na sila ay matutulungan ni Jesus na gumaling. Napakaraming tao. Nang makita ito Jesus, naawa Siya sa kanila kung kaya’t hindi Niya sila binigo.
Napakagandang paalala ito sa atin sa mga panahong ito. Hindi lang tayo dapat naaawa. Hindi sapat ang maawa ka lang. Marami ang nangangailangan ng tulong. Marami rin ang imbes na tulungan ay nakakaranas pa nang diskriminasyon. Napakadali para sa atin ang maawa subalit wala namang ginagawa. Kaya ang paanyaya ni Jesus sa Kanyang mga alagad ay paanyaya rin sa atin. Huwag nating isiping wala tayong maibibigay. Kadalasan, hindi sa wala tayong maibibigay kundi natatakot lang tayong mawalan o maubusan. Kaya kahit na mayroon, nasasanay tayong magsabi ng wala. Anumang mayroon tayo, basta unahin nating ipagpasalamat sa Diyos, ay hindi tayo kailanman mauubusan. Ang taong hindi natatakot magbigay, hindi kailanman mawawalan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022