Ebanghelyo: Mateo 13:54-58
Pumunta siya sa kanyang bayan at nagturo sa mga tao sa kanilang sinagoga. Namangha silang lahat at nagsabi: “Saan kaya galing ang kanyang karunungan at natatanging kapangyarihan? Di ba’t siya ang anak ng karpintero? Di ba’t si Maria ang kanyang ina at sina Jaime, Jose, Simon at Judas ang kanyang mga kapatid? Hindi ba’t narito sa piling natin ang lahat niyang kapatid na babae? Ano’t nangyari sa kanya ang lahat ng ito?” At bulag sila tungkol sa kanya. Sinabi naman sa kanila ni Jesus: “Sa kanyang sariling bayan lamang at sambahayan hinahamak ang isang propeta.”At kaunti lamang ang ginawa niyang himala roon sapagkat kulang sila sa pananampalataya.
Pagninilay
“Ang liwanag ng Muling Pagkabuhay.” Ang pangyayari sa Exodo ang pinakamalaking kaganapan sa buhay ng mga Israelita kaya kailangan itong ipagdiwang sa mga Piyesta tulad ng Pista ng Paskuwa at Pista ng Tinapay na walang lebadura. Sa Paskuwa kanilang ginugunita ang paglampas ng mga anghel na namumuksa sa bahay ng mga Israelita dahil sa dugong ipinahid sa kanilang mga hamba ng pinto at bintana. Naligtas ang unang anak ng mga Israelita at namatay naman ang mga anak ng Ehipsyo kabilang na ang anak ng hari. Ito ang pinakahuli at pinakamabigat na parusa sa mga Ehipsyo kaya pinayagan na rin na maglakbay patungong
Sinai ang bayang Israel. Sa Pista ng Tinapay na Walang Lebadura, kanilang inaalala na kailangang kumain agad ang mga pamilya dahil maglalakbay na sila at wala ng panahon para sa tinapay na may lebadura. Ang Paskuwa ng mga Hudyo ang larawan din at ugat ng ating Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay kung saan si Jesus ay tumawid mula sa kamatayan tungo sa kanyang Muling Pagkabuhay. At naroon ang pangako: Kung tayo’y makakasama sa kanyang kamatayan sa krus, tayo rin ay makikibahagi sa kanyang Muling Pagkabuhay! Tayo ba ay nakalibing pa sa kasalanan at kadiliman o tayo ay nakikibahagi na sa liwanag ng Muling Pagkabuhay?
© Copyright Pang Araw-araw 2025