Ebanghelyo: Mateo 14:1-12
Nang panahong iyon, umabot kay Haring Herodes ang katanyagan ni Jesus. At sinabi niya sa kanyang mga kasambahay: “Si Juan Bautista siya. Nabuhay si Juan mula sa mga patay kaya nagkakabisa sa kanya ang makalangit na kapangyarihan.” Si Herodes nga ang nagpahuli kay Juan, at
nag-utos na ikadena ito at ikulong dahil kay Herodias na asawa ng kanyang kapatid na si Felipe. Sapagkat sinabi ni Juan kay Herodes: “Hindi mo siya puwedeng maging asawa.” Talaga ngang gusto ni Herodes na patayin siya, pero takot siya sa mga tao na kumikilala kay Juan bilang isang propeta.
Kaarawan ni Herodes at nagsayaw ang anak na babae ni Herodias, at nasiyahan si Herodes sa kanya. Kaya sinumpaan niya ang isang pangako na ibibigay sa kanya ang anumang hingin niya. At sinabi ng babae ayon sa turo ng kanyang ina: “Ibigay mo rito sa akin ang ulo ni Juan Bautista sa isang bandeha.” Nasaktan ang hari ngunit napanumpaan na niya ang pangako sa harap ng mga bisita kaya iniutos niya na ibigay iyon sa kanya. At pinapugutan niya ng ulo si Juan sa kulungan; inilagay sa isang plato ang kanyang ulo at ibinigay sa babae, at dinala ito ng babae sa kanyang ina. At pagkatapos ay dumating naman ang mga alagad ni Juan at kinuha ang
kanyang katawan at inilibing. At pagkatapos ay ibinalita ito kay Jesus.
Pagninilay
“Ipaglaban ang katotohanan.” “Nang panahong iyon, umabot kay Haring Herodes ang katanyagan ni Jesus. At sinabi niya sa kanyang mga kasambahay: ‘Si Juan Bautista siya. Nabuhay si Juan sa mga patay kaya nagkakabisa sa kanya ang makalangit na kapangyarihan.’” Kahit na ang hari, nababagabag din ng kanyang konsiyensa. Makapangyarihan si Haring Herodes, nakuha niyang ipakulong si Juan dahil sa udyok ni Herodias na kanyang kinakasama. At nang magbigay ng pista sa kanyang mga matataas na pinuno ng palasyo, nagsayaw ang anak na babae ni Herodias na ikinatuwa ni Herodes at ng kanyang mga panauhin. Nagbitaw siya ng salita na anuman ang hilingin ay ibibigay kahit kalahati ng kanyang kaharian.
Lumapit ang dalaga sa kanyang ina at itinanong kung ano ang hihilingin. Sinabi ni Herodias na gusto niya ang ulo ni Juan Bautista ay dalhin sa kanya. Bagamat nabigla si Herodes, ginawa niya ang hiling at ipinaputol ang ulo ni Juan sa bilangguaan. Naging tapat si Herodes sa kanyang salita. Naging tapat din si Juan na ipahayag ang katotohanan kahit ito’y mangahulugan ng kanyang kamatayan. Handa ka ba kapatid na ipaglaban ang katotohanan? Nagiging tapat ka ba sa iyong sinumpaang katungkulan at gampanin?
© Copyright Pang Araw-araw 2025