Ebanghelyo: Mateo 15:21-28
Pagkaalis sa lugar na iyon, pumunta si Jesus sa gawing Tiro at Sidon. May isang babaeng Kananea noon na nagpunta sa dakong iyon at sumigaw: “Panginoon, anak ni David, maawa ka sa akin! Pinahihirapan ng isang
demonyo ang anak kong babae.” Ngunit hindi siya tinugon ni Jesus kaya lumapit ang kanyang mga alagad at hiniling ng mga ito: “Paalisin mo na siya’t sigaw siya nang sigaw sa likod natin.”
At sinabi sa kanya ni Jesus: “Sa nawawalang tupa ng bayan ng Israel ako sinugo.” Ngunit lumapit ang babae at lumuhod sa harap ni
Jesus at sinabi: “Ginoo, tulungan mo ako!” Sumagot si Jesus: “Hindi tama na kunin ang tinapay sa mga bata at itapon ito sa mga tuta.” Sumagot ang babae: “Totoo nga, Ginoo, pero kinakain naman ng mga tuta ang mga nalalaglag mula sa hapag ng kanilang mga amo.” Kaya nagsalita sa kanya si Jesus: “Babae, napakalaki ng iyong pananalig! Maganap sa iyo ayon sa nais mo.” At nang oras ding iyon, gumaling ang kanyang anak.
Pagninilay
Bahagi ng kultura noon ng mga Judio na ang isang babae, lalo’t higit isang pagano, ay itinuturing na makasalanan. Hindi sila maaaring makipagusap at lumapit sa kanila. Hindi ito inalintana nang babae. Lumuhod at nagmakaawa siya kay Jesus. Kahit pa sabihan siyang isang “tuta”, may pagpapakumbaba niya itong tinanggap. Ang lahat ay para sa kanyang minamahal na anak. Kaya’t pinuri siya ni Jesus. Hindi rin Niya hinayaan na mahadlangan ang pananalig ng babae nang kultura ng mga Judio. Kinausap Niya ang babae at tinugon ang kanyang pakiusap.
Isang paalala sa lahat na pagdating sa pagtulong, hindi natin tinitingnan ang kasarian, lahi o kulay ng isang tao. Sino man ang nangangailangan, tulungan natin sa abot ng ating makakaya. Walang pinipili ang Diyos, kaya’t hindi rin tayo dapat mamili ng tutulungan. Tayo man, hindi natin “deserve” ang awa at habag nang Diyos. Pero dahil sa ating pagsusumamo at pangungulit sa Diyos, ipinagkakaloob Niya sa atin ang ating mga kahilingan. Sa isang taong may pagpapakumbabang lumalapit sa Diyos, hindi kailanman niya tayo bibiguin.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022