Ebanghelyo: Mateo 14:13-21
Nang marinig ito ni Jesus, lumayo siya at namangka na sila-sila lang patungo sa ilang na lugar. Ngunit nalaman ito ng mga tao at sumunod sila sa kanya na naglalakad mula sa kanilang mga bayan. Pagdating ni Jesus sa pampang, nakita niya ang maraming taong nagkakatipon doon at naawa siya sa kanila. At pinagaling niya ang mga maysakit. Nang hapon na, lumapit sa kanya ang mga alagad at sinabi: “Nasa ilang na lugar tayo at lampas na ang oras. Paalisin mo na ang maraming taong ito para makapunta sila sa mga nayon at makabili ng kani-kanilang pagkain.”
Ngunit sumagot si Jesus: “Hindi na nila kailangang umalis pa; kayo ang magbigay sa kanila ng makakain.” Sinabi nila: “Wala kami rito kundi limang tinapay at dalawang isda.” Sinabi niya: “Akin na.” At iniutos niyang maupo sa damuhan ang makapal na tao. Kinuha niya ang limang tinapay at dalawang isda, tumingala sa langit, nagpuri, hinati ang mga tinapay at ibinigay sa kanyang mga alagad; at ibinigay rin nila sa mga tao. At kumain silang lahat at nabusog, at inipon nila ang mga natirang pira-piraso – labindalawang punong basket. Mga limanlibong lalaki ang napakain bukod pa sa mga babae at mga bata.
Pagninilay
“Makuntento kung ano ang mayroon.” “Napakatatakaw ng mga patapong kasama nila, at pati ang mga Israelita ay nagsabi: ‘Sino ang magbibigay sa amin ng makakaing karne? Naaalala namin ang isdang kinakain namin ng libre sa Ehipto…Wala na kami ngayong ganang kumain; wala na kaming makitang anuman liban sa manna.” Ang manna ay ang tinapay na ibinigay ni Yawe sa mga Israelita duon sa disyerto. Sa una ay masaya silang kumain ng manna subalit nang malaunan ay nagsawa na sila at hinahanap
nila ang masasarap na pagkain sa Ehipto. Parang mas gusto pa nilang bumalik sa pagka-alipin sa Ehipto basta masarap ang kinakain
kaysa maging bayang malaya mula sa kaapihan at kaalipinin sa kamay ng mga dayuhan. Sa halip na magpasalamat kung ano ang mayroon sila, ang hinahanap ay yung wala sa kanila. Ito rin ang nangyayari sa marami at palagi na lang nagrereklamo sa Diyos. Ang tunay na kasiyahan ay hindi mapasaiyo ang lahat ng gusto mo. Ang tunay na kaligayahan ay makuntento kung ano ang mayroon ka at matutong magpasalamat. Kung mayroon kang bahay na masisilungan, magpasalamat ka dahil marami ang nakatira sa kalye. Kung may kinakain ka sa araw-araw, magpasalamat ka dahil marami ang nagugutom. Kung may trabaho ka na nagsusustento sa pangangailangan mo, magpasalamat ka dahil marami ang walang trabaho.
© Copyright Pang Araw-araw 2025