Ebanghelyo: Mateo 16:24-28
At sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Kung may ibig sumunod sa akin, itakwil ang kanyang sarili at kunin ang kanyang krus para sumunod sa akin. Sapagkat ang naghahangad na magligtas ng kanyang sarili ang mawawalan nito ngunit ang naghahangad na mawalan ng sarili alangalang
sa akin ang makakatagpo nito. Ano ang pakinabang ng tao tubuin man niya ang buong daigdig kung sarili naman niya ang mawala? Ano ang maibibigay niya para mabawi ito? Darating nga ang Anak ng Tao taglay ang kaluwalhatian ng kanyang Ama at kasama rin ang kanyang mga banal na
anghel, at doon niya gagantimpalaan ang bawat isa ayon sa kanyang mga gawa. Totoong sinasabi ko sa inyo na makikita ng ilan sa inyo ang Anak ng Tao na dumarating bilang Hari, bago sila mamatay.”
Pagninilay
“Itakwil ang sarili, pasanin ang krus.” “Kung may ibig sumunod sa akin, itakwil ang kanyang sarili at kunin ang kanyang krus para sumunod sa akin.” May mga lider na matamis ang mga salita at maraming pangako sa mga susunod sa kanya. Subalit, iba si Jesus, diretso at totohanan sinabi
ang mga sakripisyong kailangan ng isang alagad. Una, pagtalikod sa sarili na ang ibig sabihin ay hindi sariling kagustuhan ang uunahin kundi ang kalooban ng Diyos. Pangalawa, ang pagpasan ng krus. Ang krus ay hindi
lahat ng paghihirap dahil may paghihirap na bunga ng ating maling desisyon. Ang krus na binabanggit ni Jesus ay ang krus ng pagmamahal and krus ng kabanalan. At pangatlo ay ang pagsunod sa kanya araw-araw. Sa mga desisyon natin, kailangang itanong, kung si Jesus ang nasa ganitong sitwasyon, ano kaya ang pipiliin niya? Ang pipiliin ay mga pinahahalagahan ni Jesus na walang iba kundi ang Kaharian ng Diyos. Ang desisyon ko ba ay maglalapit akin sa Kaharian ng Diyos o maglalayo dito?
© Copyright Pang Araw-araw 2025