Ebanghelyo: Mt 17: 22-27
Minsan nang maglakbay si Jesus sa Galilea kasama ang Labindalawa, sinabi niya sa kanila: “Ibibigay ang Anak ng Tao sa kamay ng mga tao. Papatayin nila siya ngunit babangon siya sa ikatlong araw.” Kaya lubha silang nalungkot. Nang makapasok na sila ng Capernaum, lumapit kay Pedro ang mga tagakolekta sa Templo at tinanong nila siya: “Nagbabayad ba ng buwis ang guro ninyo?” Sumagot siya: “Siyempre.” At pumasok si Pedro sa bahay ngunit agad siyang tinanong ni Jesus: “Ano sa palagay mo, Simon? Sino ang nagbabayad ng buwis o parangal sa mga hari ng mundo: ang mga anak ba o ang iba?” Sumagot si Pedro: “Ang iba.” At sinabi ni Jesus: “Kung gayon, disaklaw ang mga anak. Ngunit hindi rin natin dapat saktan ang mga taong ito kaya pumunta ka sa dagat, maghagis ng bingwit at buksan ang bibig ng unang isdang iyong mahuhuli. May pera kang matatagpuan doon, kunin mo iyon at magbayad ka para sa iyo at sa akin din.”
Pagninilay
May magandang kasabihan na winika si Benjamin Franklin, “Dalawa lang ang bagay na tiyak sa buhay at ito ay, ang kamatayan at ang pagbabayad ng buwis.” Ang malinaw na ibig sabihin nito ay, ang lahat ng tao ay mamamatay at bahagi ng buhay ang pagbabayad ng buwis. Sa ebanghelyo, inutusan ni Jesus si San Pedro na pumunta sa dagat at kunin sa unang isda na mahuhuli ang pambayad ng buwis para sa kanilang dalawa. Nagpapamalas na ginagalang ni Jesus ang umiiral na sistema o ang kultura sa panahong iyon sa Capernaum. Pumarito si Jesus sa mundo hindi upang magsimula ng rebolusyon na tatapos sa kapangyarihan ng Roma sa Israel at Juda. Ito ang Mesias na hinihintay at ipinapanalangin ng mga taga Israel at Juda. Sa ebanghelyo ngayon, matutunghayan natin ang tunay na layunin ni Jesus. Ito ay turuan ang bayang hinirang na magbalikloob sa Diyos at talikuran ang landas ng kasalanan at kadiliman. Si Jesus ay pumarito upang mangaral at ipahayag ang Mabuting Balita at ang tunay na plano ng Diyos para sa sangkatauhan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024