Ebanghelyo: Mateo 18:1-5, 10, 12-14
Nang panahong iyon, lumapit kay Jesus ang mga alagad at tinanong nila siya: “Sino ang mas una sa kaharian ng Langit?” Tinawag ni Jesus ang isang maliit na bata at ipinagitna sa kanila, at sinabi: “Sinasabi ko sa inyo na hanggang hindi kayo nagbabago at nagiging katulad ng maliliit na bata hindi kayo makapapasok sa kaharian ng Langit. Ang nagpapakababa gaya ng maliit na batang ito, siya ang pinakamalaki sa kaharian ng Langit. At ang sinumang tumanggap sa batang ito dahil sa aking pangalan ay tumatanggap sa akin. Huwag sana ninyong hamakin ang isa sa maliliit na ito; talagang sinasabi ko sa inyo na laging nasa harap ng aking Ama sa Langit ang kanilang mga anghel sa Langit. Ano sa palagay ninyo? Kung may sandaang tupa ang isang tao at naligaw ang isa sa mga ito, hindi ba niya iiwan sa kaburulan ang siyamnapu’t siyam para hanapin ang naliligaw? At sinasabi ko sa inyo: Kapag nakita niya ito, mas matutuwa pa siya rito kaysa siyamnapu’t siyam na hindi naligaw. Gayundin naman, ayaw ng inyong Amang nasa Langit na mawala isa man sa maliliit na ito.
Pagninilay
“Ang kababaang-loob.” Sa mundo at kultura ng mga sinaunang Judio, ang mga lalaki ang may karapatan, ang mga babae at mga bata ay itinuturing
pa nga na pag-aari ng mga lalaki (property of male). Subalit iba ang pananaw ni Jesus, may karapatan ang mga babae at mga bata. Kapwa sila mga anak ng Diyos at mahal sa Kanya. Sa ebanghelyo, ginawa pang halimbawa na dapat tularan ang mga bata. Ano-ano ba ng mga katangian nila? Una, mayroon silang kababaan ng loob at alam nila na kailangan nila
ang tulong at pagmamalasakit ng mga taong nakapaligid sa kanila lalong higit ang kanilang mga magulang. Pangalawa, ang mga bata ay gustong matuto kaya ang tanong nila ay: Ano ba ito? Bakit nagkaganito ito? Ano
ang mangyayari dito? Pangatlo, ang mga bata ay inosenteng nilalang at walang pagbabalatkayo. Kung ano ang nakikita mo, iyon na sila. Di katulad ng mga matatanda na marami nang pagbabalatkayo, natatakot na makita ang tunay nilang pagkatao kaya nagkukunwari at nagtatago sa maskara ng buhay. Kapatid, mayroon ka bang kababaan ng loob, uhaw na matuto mula sa iba, at tunay na pagkatao?
© Copyright Pang Araw-araw 2025