Ebanghelyo: Mateo 18:15-20
Kung nagkasala sa iyo ang iyong kapatid, puntahan mo siya at kausapin nang sarilinan; at kung makinig siya sa iyo, tinubo mo na ang iyong kapatid. Kung hindi naman siya makinig sa iyo, magsama ka ng dalawa o tatlo para lutasin ang kaso sa pagsaksi ng dalawa o tatlo. Kung tatanggi siyang makinig sa kanila, sabihin ito sa Iglesya; at kung hindi pa rin siya makikinig sa Iglesya, ituring siyang pagano o publikano. Talagang sinasabi ko sa inyo: ang talian ninyo sa lupa ay matatali rin sa Langit, at ang kalagan ninyo dito sa lupa ay kakalagan din sa Langit. Sinasabi ko rin sa inyo: kung dito sa lupa ay may dalawa sa inyo na nagkakaisang humihingi ng anuman, gagawin ito para sa kanila ng aking Amang nasa Langit. Sapagkat kung saan may dalawa o tatlong nagkakatipon sa Ngalan ko, kapiling nila ako.”
Pagninilay
“Sa pagpapatawad, tayo ay lalaya.” “Kung nagkasala sa iyo ang iyong kapatid, puntahan mo siya at kausapin ng sarilinan; at kung makinig siya sa iyo, tinubo mo na ang iyong kapatid.” Hindi madali ang magpatawad lalo’t higit kung masakit ang ginawa sa iyo. Nagtiwala ka subalit sinaksak ka ng patalikod. Minahal mo ng lubusan subalit ang ganti sa iyo ay pagkukunwari lamang pala. Tinulungan mo kahit magsakripisyo ka ng malaki pero nung ikaw ang mangailangan, tinalikuran ka pa. Tunay na mahirap makalimot subalit ang hinihingi ay magpatawad. Ano ang mga dahilan para magpatawad tayo? Una, tayo mismo makasalanan din at nangangailangan ng pagpapatawad mula sa Diyos. Pangalawa, sumusunod tayo sa utos ng Panginoong Jesus na magpatawad hindi lamang pitung beses kundi pitumpung beses na pinarami pa ng pitong beses. Pangatlo, sa tulong ng biyaya ng Espiritu Santo, makapagpapatawad tayo kahit gaano kalaki ng pagkakasala sa atin. Tandaan din natin, sa pagpapatawad, tayo ay lalaya mula sa galit at pinalalaya din natin ang nagkasala sa atin.
© Copyright Pang Araw-araw 2025