Ebanghelyo: Lucas 12:49-53
Dumating ako upang maghagis ng apoy sa lupa, at ganoon na lamang ang pagnanais kong magliyab na sana ito! Ngunit dapat akong mabinyagan ng isang binyag, at ganoon na lamang ang pagkabalisa ko hanggang di ito nagaganap! Sa akala ba ninyo’y dumating ako para magbigay ng kapayapaan sa lupa? Hindi, sinasabi ko sa inyo, kundi paghihiwa-hiwalay!
Sapagkat mula ngayo’y magkakahati-hati ang limang nasa isang sambahayan, tatlo laban sa dalawa at dalawa laban sa tatlo; magkakahati- hati sila: ama laban sa anak na lalaki at anak na lalaki laban sa ama, ina laban sa anak na babae at anak na babae laban sa ina, biyenang babae laban sa kanyang manugang na babae at manugang na babae laban sa biyenang babae.”
“Dumating ako upang maghagis ng apoy sa lupa, at ganoon na lamang ang
pagnanais kong magliyab na sana ito!”
Pagninilay
Ano ba ang konsepto natin sa “kapayapaan”? Walang gulo. Walang pag-aaway. Tahimik. Lahat ay masaya. May respeto ang bawat isa, maging sa paniniwala ng bawat isa. Ito rin ang hangad ng Diyos na maghari sa puso natin. Ngunit nakakagulat at tila kabaligtaran ang naririnig natin ngayon sa sinasabi ni Jesus sa Ebanghelyo. Si Jesus na Prinsipe ng Kapayapaan ay hindi kapayapaan kundi paghihiwa-hiwalay ang gusto? Hindi totoong kapayapaan ang nais natin kung pinapayagan natin ang mga maling ginagawa natin o nang ating kapwa kapalit ng sinasabi nating kapayapaan. Sa mundong ito, habang tayo’y nabubuhay, kailangan nating manindigan at ipaglaban ang tama. Kung kinakailangan nating maghiwa-hiwalay dahil sa katotohanang itinuturo ni Jesus, ito ang kailangang mangyari. Kailangang alam mo kung saan at anong katotohanan ang paninindigan mo. Tama na ibigay ang respeto at paggalang sa isa’t isa. Pero hindi rin naman tama na kunsintihin natin ang maling ginagawa ng iba. Ang hamon ni Jesus sa mga gustong sumunod sa Kanya ay huwag matakot manindigan sa katotohanang kanyang itinuturo. Ang paggalang sa buhay ay dapat nating ipaglaban. Maraming batas ang nais ipatupad ng ating pamahalaan gaya ng divorce, death penalty, abortion at marami pang iba. Hindi tayo puwedeng manahimik. Kaya’t inaasahan ni Jesus na ang Espiritung bumaba sa atin noong tayo’y binyagan ay mapagningas natin ngayon. Kailangan nating mamuhay sa tama hindi sa kasinungalingan. Masakit at masasaktan tayo ng Katotohanan, pero tinitiyak ko na kapag nalampasan natin ito, doon pa lang natin totoong mararanasan ang tunay na kapayapaan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022