Ebanghelyo: Lucas 1:39-56
Nang mga araw ring iyo’y nagmamadaling naglakbay si Maria papunta sa isang bayan sa mataas na lupain ng Juda. Pumasok siya roon sa bahay ni Zacarias at binati si Elizabeth. Nang marinig ni Elizabeth ang bati ni Maria,
sumikad ang sanggol sa sinapupunan niya, at napuspos ng Espiritu Santo si Elizabeth at malakas siyang sumigaw at sinabi: “Lubos kang pinagpala sa mga kababaihan. Pinagpala rin ang bunga ng iyong sinapupunan! Sino nga ba naman ako’t naparito sa akin ang ina ng aking Panginoon? Nang
umabot sa aking pandinig ang iyong pagbati, sumikad sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan. Pinagpapala ang naniniwalang magaganap ang mga sinabi sa kanya ng Panginoon.” At sinabi ni Maria: “Dinadakila ng aking kaluluwa ang Panginoon at nagagalak ang aking espiritu sa Diyos na aking
Tagapagligtas dahil isinaalang-alang niya ang abang utusan niya, at mula ngayon, ituturing akong mapalad ng lahat ng salinlahi. Dakila nga ang ginawa sa akin ng Makapangyarihan, banal ang kanyang Pangalan. Patuloy ang kanyang awa sa mga sali’t salinlahi para sa mga may pitagan sa kanya.
Ipinakita niya ang lakas ng kanyang bisig, ipinagtabuyan ang mga taong may mapagmataas na balak. Pinatalsik niya sa luklukan ang mga makapangyarihan, itinampok naman ang mga bale-wala. Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom at itinaboy namang walang-wala ang mayayaman. Nilingap niya ang Israel na kanyang lingkod, inalaala ang
kanyang awa ayon sa ipinangako niya sa ating mga ninuno, kay Abraham at sa kanyang angkan magpakailanman.” Mga tatlong buwang nanatili si Mariang kasama ni Elizabeth at saka nagbalik sa kanyang bahay.
Pagninilay
“Mapalad ka!” “Mapalad ka sapagkat nanalig kang matutupad ang mga
ipinasasabi sa iyo ng Panginoon!” Ito ang pagbati ni Elisabet sa kanyang pinsang si Maria nang dumalaw ito sa Judea. Mapalad si Maria hindi dahil sa kanyang mga espesyal na katangian; mapalad siya dahil sa pagpapala ng Diyos na ibinigay sa kanya bilang napiling Ina ng Mesiyas. Nariyan ang grasya ng “Immaculate Conception” kung saan siya ay ipinaglihi ni Santa Ana na malaya sa kasalanang mana” (original sin) upang ihanda siyang maging tabernakulo ng Salita ng Diyos na nagkatawang-tao. Nariyan
din ang biyaya ng “Perpetual Virginity” kung saan nanatili siyang birhen kahit ipinanganak niya si Jesus. Ang kanyang “virginity” ay ang kanyang lubusang pag-aalay ng kanyang buong katawan at kaluluwa upang maglingkod sa Diyos. Sa sa “Kapistahan ng Pagakyat sa Langit”, ipinagdiriwang naman natin ang biyaya na matapos ang buhay ni Maria sa lupa, iniakyat siya sa Langit, kaluluwa at katawan. Hindi pinabayaang
bumalik sa lupa ang kanyang mahal na katawan kundi makibahagi sa Muling Pagkabuhay ni Jesus! Tulad ni Elias sa Lumang Tipan, na iniakyat sa langit sakay ng nagaapoy na karwahe, si Maria din ay binigyan ng biyaya na umakyat sa langit kaluluwa at katawan. Para sa atin, nagkakaroon tayo
ng pag-asa sa kapangyarihan ng Muling Pagkabuhay. Tayo rin ay magtatagumpay matapos ang ating buhay sa lupa at iaakyat sa Langit na ating tunay na tahanan. Kapatid, buhay ba sa iyo ang pagasang
ito?
© Copyright Pang Araw-araw 2025