Ebanghelyo: Mateo 15:21-28
Pagkaalis sa Genesaret, pumunta si Jesus sa gawing Tiro at Sidon. May isang babaeng Kananea noon na nagpunta sa dakong iyon at sumigaw: “Panginoon, anak ni David, maawa ka sa akin! Pinahihirapan ng isang demonyo ang anak kong babae.” Ngunit hindi siya tinugon ni Jesus kaya lumapit ang kanyang mga alagad at hiniling ng mga ito: “Paalisin mo na siya’t sigaw siya nang sigaw sa likod natin.” At sinabi sa kanya ni Jesus: “Sa nawawalang tupa ng bayan ng Israel ako sinugo.” Ngunit lumapit ang babae at lumuhod sa harap ni Jesus at sinabi: “Ginoo, tulungan mo ako!” Sumagot si Jesus: “Hindi tama na kunin ang tinapay sa mga bata at itapon ito sa mga tuta.” Sumagot ang babae: “Totoo nga, Ginoo, pero kinakain naman ng mga tuta ang mga nalalaglag mula sa hapag ng kanilang mga amo.” Kaya nagsalita sa kanya si Jesus: “Babae, napakalaki ng iyong pananalig! Maganap sa iyo ayon sa nais mo.” At nang oras ding iyon, gumaling ang kanyang anak.
Pagninilay
Ano ang hinihingi natin sa Diyos sa ating panalangin? Madalas ipinagdarasal natin ang pagpapagaling para sa ating katawan, o para sa ating kaluluwa din. May sakit ang anak ng babae kaya lumapit siya kay Jesus at nagsumamo. Hindi siya agad pinagbigyan. Nasubok ang kanyang pasensiya, kababaang-loob at pananamapalataya. Hindi agad sumuko ang babae sa kanyang paghihingi, nanatiling siyang may kababaang-loob at naniwala padin sa kagandahangloob ni Jesus. Pasensya, kababaang-loob at pananampalataya ang hinahanap ni Jesus sa puso ng lumalapit sa kanya, at pibagbibigyan niya sa takdang panahon. Iba kase ang panahon ng Diyos sa panahon ng tao. Kaylangan din natin ng healing, hindi lang sa katawan, lalong-lalo sa ating kaluluwa. Mahal po tayo ng Diyos at nais niya na maging malusog ang ating espiritu. Manalangin po tayo sa twina.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020