Ebanghelyo: Mateo 19:16-22
Nang oras ding iyon, lumapit sa kanya ang isang binata at nagtanong: “Guro, anong mabuti ang dapat kong gawin para makamit ang buhay na walang hanggan?” Sumagot si Jesus: “Bakit tungkol sa mabuti ang tanong mo? Iisa lang ang Mabuti. Kung gusto mong pumasok sa buhay na walang
hanggan, sundin mo ang mga utos.” At sinabi naman ng binata: “Anong mga utos?” Sumagot si Jesus: “Huwag papatay, huwag makiapid, huwag magnakaw, huwag manirang-puri ng kapwa, igalang ang iyong ama at ina, at mahalin ang iyong kapwa gaya ng pagmamahal mo sa iyong sarili.” At sinabi sa kanya ng binata: “Sinunod ko ang lahat ng ito, ano pa ang kulang ko?” At sinabi ni Jesus: “Kung gusto mong maging ganap, umuwi ka’t ipagbili ang mga ari-arian mo at ibigay ang pera sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa Langit. At saka ka bumalik para sumunod sa akin.” Pagkarinig ng binata sa pahayag na ito, umalis siyang malungkot sapagkat napakayaman niya.
Pagninilay
“Sino ang iyong sinasamba at pinaglilingkuran?” “Baal” ang titulo ng diyos na sinasamba sa lupain ng Canaan at Phoenicia. Ang pagsamba kay Baal ay pumasok sa buhay ng mga Israelita noong panahon ng mga Hukom (Hukom 3:7) at naging malaganap noong kapanahunan ni Haring Ahab (1 Hari 16:31-33). Sa arkilohiya, ang Baal ay ipinakita bilang kamukha ng isang Baka o isang Kambing. Siya ay diyos ng “fertility” o diyos na nalalapitan upang magka-anak at mas marami ang anak ng mga hayop ng mga pastol at magsasaka. Siya rin ay iniugnay sa araw at kulog. Si Propeta Elias ay nakipagduelo sa mahigit limandaang propeta ni Baal at humingi ng apoy mula sa langit upang sunugin ang mga handog. Nananalangin, sumayaw, umawit, at pinadugo ang kanilang katawan subalit walang apoy na bumaba sa langit. Subalit nang manalangin si Elias, isang apoy ang bumaba mula
sa langit at sinunog ang kanyang handog bilang patunay na si Yawe lamang ang tunay na Diyos at hindi si “Baal”. Bilang parusa, ipinapatay ni Elias ang mga propeta ni Baal na ikinagalit naman ng Haring Ahab at ni Reyna Jezebel. Gusto nilang ipahuli at parusahan ng kamatayan ni Elias. Kaya’t napilitan siyang tumakas upang iligtas ang kanyang buhay. Kapatid, si Yaweng Diyos ba ang iyong sinasamba at pinaglilingkuran o ang mga diyosdiyosan ng mundo: kayamanan, kapangyarihan, katanyagan, kasarapan ng buhay?
© Copyright Pang Araw-araw 2025