Ebanghelyo: Mateo 22:34-40
Narinig ng mga Pariseo na napatahimik ni Jesus ang mga Sadduseo, at sumang-ayon sila sa Kanya. Kaya sinubukan Siya ng isa sa kanila na isang guro ng Batas sa tanong na ito: “Guro, ano ang pinakamahalagang utos ng Batas?”
Sumagot si Jesus: “Mahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buo mong puso, nang buo mong kaluluwa at nang buo mong pag-iisip. Ito ang una at pinakamahalagang utos. Ngunit may ikalawa pa na tulad nito: Mahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili. Sa dalawang utos na ito nabubuod ang buong Batas at Mga Propeta.”
Pagninilay
Ang pagiging madasalin ay likas sa karamihan ng mga Pilipino. Parating nagsisimba, lumalakad ng paluhod, maraming debosyon at aktibo sa mga gawaing pang simbahan. Ngunit di rin maikakaila na marami rin sa atin ang malaki ang problema pagdating sa aspeto ng pakikipag kapwa. Ang ilan ay maraming kaaway o ang ilan naman ayon sa biro ay miyembro ng KBP (kapisanan ng mga brodkaster sa parokya), na siyang nagpapakalat ng mga “fake news” na nagiging daan sa pagkakaroon ng dibisyon sa komunidad. Sa ganitong konteksto ay waring naiihiwalay natin ang ating buhay espirituwal sa ating ordinaryong pamumuhay. Ngunit ang dalawang ito ay hindi dapat paghiwalayin. Ang atin nawang malalim na ugnayan sa Diyos ang magtulak sa atin sa isang mayabong na relasyon natin sa ating kapwa. Alalahanin natin na ang Diyos ay hindi nalilimita sa simnbahan datapwat sa mga taong nakakasalamuha natin araw-araw.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021