Ebanghelyo: Mateo 19:16-22
Nang oras ding iyon, lumapit sa kanya ang isang binata at nagtanong: “Guro, anong mabuti ang dapat kong gawin para makamit ang buhay na walang hanggan?” Sumagot si Jesus: “Bakit tungkol sa mabuti ang tanong mo? Iisa lang ang Mabuti. Kung gusto mong pumasok sa buhay na walang hanggan, sundin mo ang mga utos.” At sinabi naman ng binata: “Anong mga utos?” Sumagot si Jesus: “Huwag papatay, huwag makiapid, huwag magnakaw, huwag manirang-puri ng kapwa, igalang ang iyong ama at ina, at mahalin ang iyong kapwa gaya ng pagmamahal mo sa iyong sarili.” At sinabi sa kanya ng binata: “Sinunod ko ang lahat ng ito, ano pa ang kulang ko?” At sinabi ni Jesus: “Kung gusto mong maging ganap, umuwi ka’t ipagbili ang mga ariarian mo at ibigay ang pera sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa Langit. At saka ka bumalik para sumunod sa akin.” Pagkarinig ng binata sa pahayag na ito, umalis siyang malungkot sapagkat napakayaman niya.
Pagninilay
Ang pagsunod kay Jesus tungo sa kabanalan ay hindi lamang hanggang sa pagsunod sa mga batas. Kalakip nito ang pagbabago sa sarili. Ito ay mangyayari lamang kung mayroong pagibig na nakapagpapabago sa tao. Madali ang pagsunod sa mga naisulat na batas ngunit ang pagsasabuhay nito ang nagdudulot ng mas malalim na kahulugan. Ang pagkilos natin ng pagibig ay hindi lamang nananatili sa sarili dahil kung hanggang dito lang ito, magdudulot ito nang kasakiman. Ang totoong pagkilos ng pagibig ay para ting nagdudulot ng pagbabahagi sa iba. Kaya nga ang taong nagmamahal sa Diyos ay tao ring nagmamahal sa iba, lalo na sa mga lubos na nangangailangan. Nawa’y umibig tayo sa Diyos at kapwa ng buong puso at may pakialam.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023