Ebanghelyo: Mateo 22:34-40
Narinig ng mga Pariseo na napatahimik ni Jesus ang mga Sadduseo, at sumang-ayon sila sa kanya. Kaya sinubukan siya ng isa sa kanila na isang guro ng Batas sa tanong na ito: “Guro, ano ang pinakamahalagang utos ng Batas?” Sumagot si Jesus: “Mahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buo mong puso, nang buo mong kaluluwa at nang buo mong pag-iisip. Ito ang una at pinakamahalagang utos. Ngunit may ikalawa pa na tulad nito: Mahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili. Sa dalawang utos na ito nabubuod ang buong Batas at Mga Propeta.”
Pagninilay
“Ang pinakamahalagang utos ng batas.” Ito ang una at pinakamahalaga: Ibigin mo ang iyong Diyos ng buong puso, lakas, pag-iisip at kaluluwa. Ito naman ang pangalawa, ibigin moa ng iyong kapwa gaya ng iyong sarili. Sa katunayan, tatlo ang mahalagang utos, yung isa ay masasabing nakapaloob sa pangalawa, ano yun? Mahalin mo ang iyong sarili. Ang ating katawan, ang ating pag-iisip, ang ating lakas, ang ating kaluluwa ay handog ng Diyos na dapat nating tanggapin at pahalagahan. Sa pagmamahal natin sa ating sarili, tinatanggap natin ang plano at kalooban ng Diyos na pagyamanin at alagaan ang ipinagkatiwala sa atin. Kaya nga malaking kasalanan ang pag-abuso sa katawan at rejection ng ating sarili. Sa ating pagmamalasakit sa ating sarili, ito ang magiging pamantayan ng pagmamahal natin sa iba. Kung inaalagaan natin ang ating kalusugan, may obligasyon tayong
alagaan ang kalusugan ng kapwa. Kung pinahahalagahan natin ang ating patuloy na pag-aaral at edukasyon ng isip, gayundin natin pahalagahan ang edukasyon ng iba. Kung pinoprotektahan natin ang sariling buhay, dapat din protektahan ang buhay ng ating kapwa. Subalit ang pagibig sa sarili at pag-ibig sa kapwa ay dapat pangalawa lamang sa pagibig sa Diyos. Siya ang una nating mamahalin at paglilingkuran. Ito rin ang hamon ni Jesus sa kanyang mga alagad: Hindi karapat dapat sa akin ang nagmamahal ng kanyang magulang o anak nang higit sa akin. Hindi karapat dapat sa akin ang nagmamahal ng kanyang buhay ng higit sa akin! Tatlong pagmamahal na may kaugnayan sa isat-isa at hindi maaaring paghiwalayin!
© Copyright Pang Araw-araw 2025