Ebanghelyo: Lucas 13:22-30
Dumaan si Jesus sa mga lunsod at mga nayon, na nangangaral habang
papunta siya sa Jerusalem. May nagtanong sa kanya: “Panginoon, kakaunti nga ba ang maliligtas?” At sinabi ni Jesus sa mga tao: “Magpumilit kayong pumasok sa makipot na pintuan sapagkat sinasabi ko sa inyo: marami ang gustong pumasok at di makapapasok. Kapag tumindig na ang may-ari ng bahay at naisara na ang pinto, tatayo kayo sa labas na kumakatok at magsasabing ‘Panginoon, buksan mo kami.’ Sasagot naman siya sa inyo: ‘Hindi ko alam kung tagasaan kayo.’ Kaya sasabihin ninyo: ‘Kami ang
kumain at uminom na kasalo mo, at sa aming mga lansangan ka nangaral.’ Pero sasagutin niya kayo: ‘Hindi ko alam kung tagasaan kayo. Lumayo sa akin, kayong mga gumagawa ng masama.’ Naroon ang iyakan at pagngangalit ng mga ngipin pagkakita ninyo kina Abraham, Isaac, Jacob at sa lahat ng propeta sa kaharian ng Diyos, at ipagtatabuyan naman kayo sa labas. At makikisalo naman sa Kaharian ng Diyos ang mga darating mula sa silangan, kanluran, timog at hilaga. Oo, may mga huli ngayon na mauuna at may mga una na mahuhuli.”
Pagninilay
“Kakaunti ba ang maliligtas?” “Panginoon, kakaunti nga ba ang maliligtas? At sinabi ni Jesus sa mga tao: Magpumilit kayong pumasok sa makipot na pintuan sapagkat sinasabi ko inyo: marami ang gustong pumasok at di makakapasok.” Para sa mga Israelita sa Lumang Tipan, sila ang bayan ng Diyos at sila lang ang maliligtas. Subalit sa pagdating ni Jesus, naging maliwanag na para sa lahat ang kaligtasan, Judio man o Hentil. Kaya nga ang misyong ibinigay ni Jesus ay malinaw: Kayat humayo kayo, gawin ninyong alagad ko ang lahat ng mga bansa. Bautismuhan ninyo sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo.” Sa tanong na kakaunti ba ang maliligtas, hindi ito diretsang sinagot ni Jesus, manapa’y binigyang pansin na kailangan ninuman na pumasok sa makipot na pintuan. Ito ang pintuan ng pagtalikod sa sarili, pagpasan ng krus at pagsunod kay Jesus.
© Copyright Pang Araw-araw 2025