Ebanghelyo: Mateo 23:27-32
Sinabi ni Jesus, “Kawawa kayong mga guro ng Batas at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Para kayong mga pinaputing libingan na maganda sa labas pero puno ng buto ng mga patay at ng iba pang karumihan ang loob. Gayundin naman, mukha kayong mga taong banal ngunit puno naman ng pagkukunwari at kasamaan ang kalooban. “Kawawa kayong mga guro ng Batas at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Nagtatayo kayo ng mga monumento para sa mga propeta at pinapalamutian ang mga bantayog ng mga banal na tao. Sinasabi ninyo: ‘Kung tayo ang nabuhay sa panahon ng ating mga ninuno, hindi sana tayo sumang-ayon na patayin ang mga propeta.’ Kaya kayo ang umaamin na mga anak kayo ng mga pumatay sa mga propeta. At ngayon, tapusin ninyo ang sinimulan ng inyong mga ninuno!”
Pagninilay
Nang umuwi ako sa Argentina noong nakaraang taon nagtaka ako kung bakit lubos ang inis ng mga tao sa Simbahan. Kapag manood ako ng TV, magbasa ng balita, o kausap ang mga kaibigan, kamag-anak o kakilala, kapansin- pansin ang negative feedback tungkol sa Simbahan. Kahit taga- Argentina ang Santo Papa, kahit taos-pusong naglilingkod ang Simbahan sa mga mahihirap, at kahit karamihan sa mga pari at madre ay naglalakbay sa daan ng katuwiran at kabanalan, malaki pa rin ang epekto ng mga bagong “guro ng Batas at mga Pariseo” na “maganda sa labas” pero “puno ng karumihan ang loob” na natatagpuan sa Simbahan ngayon. Tayo ang Simbahan ni Jesus at ito’y pananagutan ng bawat isa; tayo ang mga propeta ng Panginoon. Huwag sana nating patayin ang pagiging propeta natin at ipahayag natin ang Mabuting Balita sa pamamagitan ng gawa at salita.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020