Ebanghelyo: Mt 23: 27-32
Kawawa kayong mga guro ng Batas at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Para kayong mga pinaputing libingan na maganda sa labas pero puno ng buto ng mga patay at ng iba pang karumihan ang loob. Gayundin naman, mukha kayong mga taong banal ngunit puno naman ng pagkukunwari at kasamaan ang kalooban. Kawawa kayong mga guro ng Batas at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Nagtatayo kayo ng mga monumento para sa mga propeta at pinapalamutian ang mga bantayog ng mga banal na tao. Sinasabi ninyo: ‘Kung tayo ang nabuhay sa panahon ng ating mga ninuno, hindi sana tayo sumang-ayon na patayin ang mga propeta.’ Kaya kayo ang umaamin na mga anak kayo ng mga pumatay sa mga propeta. At ngayon, tapusin ninyo ang sinimulan ng inyong mga ninuno!
Pagninilay
Ang pagkakaroon ng trabaho o negosyo na pinagkakakitaan ay importante sa buhay ng tao. Ito ay maaring makapagbigay sa tao ng pakiramdam ng katuparan (sense of fulfillment) dahil meron kang nagagawa, na bunga ng angking talento, talino, kakayahan, at kasanayan. Ang trabaho, bagamat kung minsan ay sadyang mahirap at talagang nakakapagod, ay nakapagbibigay din ng kahulugan ng layunin (sense of purpose). Gumaganda ang buhay kapag nararamdaman at nalalaman ng tao na siya ay may naiaambag, na siya ay mahalaga, na siya ay may dahilan at kabuluhan sa mundong ito. Ang bawat tao ay kinakailangan suriin at alamin ang tunay na layunin ng kanyang buhay. Ang trabaho ay isa sa parte ng buhay na maaaring makapagbigay linaw nito. Sa ika-2 Sulat sa mga taga
Tesalonika 3:6, mababasa natin, “lumayo sa sinumang kapatid (sa pananampalataya) na namumuhay na walang ginagawa…” Kung nais nating pagpalain at umasenso, hindi pwede maging tamad at maging batugan na umaasa sa iba. Gabayan nawa tayo ng Salita ng Diyos. “Mapalad ka na may takot sa Panginoon, na lumalakad sa kanyang mga daan. Kakainin mo ang bunga ng iyong pinaghirapan, pagpapalain ka at papalarin sa lahat.” Mga Salmo 128:1-2
© Copyright Pang Araw-Araw 2024