Ebanghelyo: Mateo 24:42-51
Kaya magbantay kayo sapagkat hindi ninyo alam ang araw ng pagdating ng inyong Panginoon. Isipin ninyo ito: kung alam ng may-ari ng bahay kung anong oras ng gabi darating ang magnanakaw, magbabantay siya at hindi niya pababayaang pasukin ang bahay. Kaya maging handa kayo sapagkat sa oras na hindi ninyo inaasahan darating ang Anak ng Tao. Isipin ninyo ito: may tapat at matalinong katulong at sa kanya ipinagkatiwala ng kanyang amo ang sambahayan nito para bigyan sila ng pagkain sa tamang oras. Kung sa pagdating ng kanyang amo ay matagpuan siya nitong tumutupad sa kanyang tungkulin, mapalad ang katulong na ito. Talagang sinasabi ko sa inyo na ipagkakatiwala sa kanya ng amo ang lahat nitong pag-aari. Sa halip ay nag-iisip naman ang masamang katulong: ‘Magtatagal ang aking panginoon.’ Kayat sinimulan niyang pagmalupitan ang mga katulong na kasama niya samantalang nakikipagkainan at nakikipag-inumang kasama ng mga lasing. Ngunit darating ang panginoon ng katulong na iyon sa oras
na di niya inaasahan at sa panahong di niya alam. Paaalisin niya ang katulong na ito at pakikitunguhang gaya ng mga mapagkunwari. Doon nga may iyakan at pagngangalit ng ngipin.
Pagninilay
“Hindi tayo nag-iisa. Isa sa batayan ng pananampalataya natin ay ang “Communion of Saints” kung saan may malalim na ugnayan ang tatlong bahagi: Saints in Heaven, Those in Purgatory, and the Militant Church on
earth.” Ito ang karanasan ni Pablo sa unang pagbasa kung saan dahil sa pananampalataya ng mga Unang Kristiyano, si Pablo at mga Apostol ay nabigyan ng malaking aliw sa gitna ng mga pagsubok at mga paghihirap ng
buhay. Dahil sa ating mahigpit na pagkakaisa sa iisang Katawan ni Kristo, ang tagumpay ng isang bahagi ay nagbibigay inspirasyon sa ibang bahagi ng Katawan; gayundin naman ang paghihirap ng mga Simbahang dumaraan sa matinding pagsubok dahil sa mga pagpapahirap (persecution)
ay nadarama rin ng buong katawan. Tandaan natin, sa gitna ng ating matinding kalungkutan at mga pagsubok ng buhay, hindi tayo nag-iisa, nariyan ang mga Banal sa Langit na nagdarasal para sa atin. Nariyan din ang mga monghe at mongha na patuloy tayong itinataas sa Panginoon.
Nariyan ang ating mga Kapatid sa ibat-ibang bahagi ng mundo na sumusuporta sa atin. Kapatid, may mga kapamilya at mga kapanalig
tayo!
© Copyright Pang Araw-araw 2025