Ebanghelyo:Mt 25: 1-13
Tinutukoy ng kuwentong ito ang mangyayari sa kaharian ng Langit. Sampung abay na dalaga ang lumabas na may dalang lampara para sumalubong sa nobyo. Hangal ang lima sa kanila, at matalino naman ang lima pa. Dinala ng mga hangal na abay ang kanilang mga lampara nang walang reserbang langis. Ngunit dinala naman ng matatalino ang kanilang mga lampara na may reserbang langis. Natagalan ang nobyo kaya inantok silang lahat at nakatulog. Ngunit nang hatinggabi na, may tumawag: ‘Dumarating na ang nobyo; lumabas kayo at salubungin siya!’ Nagising silang lahat noon at inihanda ang kanilang mga lampara. Sinabi ng mga hangal sa matatalino: ‘Bigyan naman ninyo kami ng inyong langis dahil mahina na ang ningas ng aming mga lampara.’ Sumagot ang matatalino: ‘Baka kulangin ang langis para sa amin at para sa inyo. Mabuti pang pumunta kayo sa mga nagtitinda at bumili para sa inyo.’ Nakaalis na sila para bumili nang dumating ang nobyo; ang mga handa na ay sumama sa nobyo sa kasalan, at isinara ang pinto. Pagkatapos ay saka dumating ang iba pang mga dalaga at tumawag: ‘Panginoon, Panginoon, pagbuksan kami!’ Ngunit sumagot siya: ‘Talagang sinasabi ko sa inyo: hindi ko kayo kilala.’ Kaya magbantay kayo sapagkat hindi ninyo alam ang araw o ang oras.’
Pagninilay
Isa sa mga dapat na pagibayuhin at ayusin sa sistema ng edukasyon sa Pilipinas ay ang sanayin ang mga mag-aaral na palaguin ang kritikal na pagiisip (critical thinking skills). Minsan na itong nabanggit ni Cardinal Chito Tagle noong siya ay nagbigay ng talumpati sa mga nagpapalakad ng mga paaralan na kasapi ng Manila Ecclesiastical Province School Systems Association (MaPSA) bago pa magkaroon ng pandemic. Ang hamon ng butihing Cardinal sa kanyang mga tagapakinig ay, “Turuan naman ninyong mag-isip ang mga mag-aaral, at huwag naman memorya lang ng memorya.” Sa mga pagbasa sa araw na ito, mukhang maliwanag na nais din ng Diyos na gamitin natin ang ating pag-iisip sa ating pakikitungo sa Kanya at sa patuloy nating pakikibaka sa mga paghamon ng buhay. Mas mainam na matuto tayo at maintindihan natin sa tulong ng pananampalataya ang mga bagay na may kinalaman sa karunungan ng Diyos at hindi ang katangahan ng mundo (Ika-1 Sulat sa mga Taga Corinto 1:24). Hinahamon tayo na sundin ang katalinuhan ng limang abay na nagdala ng kanilang mga lampara na may reserbang langis. Panatilihin nating maging handa sa muling pagbabalik ni Kristo sa takdang panahon ng paghuhukom.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024





