Ebanghelyo: Lucas 4:38-44
Pag-alis niya sa sinagoga, nagpunta si Jesus sa bahay ni Simon. Inaapoy ng lagnat ang biyenang babae ni Simon. Kayat pinakiusapan nila si Jesus tungkol sa kanya. Pagkayuko ni Jesus sa kanya, inutusan ni Jesus ang lagnat at nilisan siya nito. Kaagad siyang tumindig para maglingkod sa kanila.
Paglubog ng araw, dinala naman kay Jesus ng lahat ng tao ang kasama nilang mga may sakit ng iba’t ibang karamdaman. Ipinatong niya ang kanyang mga kamay sa bawat isa sa kanila at pinagaling sila. Lumabas ang mga demonyo mula sa maraming tao at pasigaw na sinabi ng mga ito: “Ikaw ang Anak ng Diyos!” Ngunit pinatatahimik niya sila at di pinahihintulutang magsalita dahil alam ng mga ito na siya ang Mesiyas.
Nang mag-uumaga na, lumabas si Jesus at pumunta sa isang ilang na lugar. Ngunit pinaghahanap siya ng maraming tao, at nang matagpuan siya’y sinikap nilang hadlangan na makaalis pa siya sa kanila. Pero sinabi niya sa kanila: “Dapat ko ring ipahayag ang mabuting balita ng paghahari ng Diyos sa iba pang mga bayan; ito ang dahilan kung bakit ako isinugo.” At nagpatuloy siyang mangaral sa mga sinagoga ng Judea.
Pagninilay
Pinaalaala ni Jesus ang kahalagahan nang pagkakaroon ng “me time” o oras para sa sarili. Matapos pagalingin ang biyenan ni Simon, isinunod naman niyang harapin ang lahat ng mga taong dinala sa kanya para pagalingin sa kanilang mga karamdaman. Sila ay pinatungan niya ng kamay at pinagaling. Matapos ang lahat ng ito, siya ay lumabas at pumunta sa isang ilang na lugar. Isang katangian na dapat nating tularan kay Jesus. Hindi matapos at maubos ang mga taong lumalapit sa kanya. Lubhang napakaraming tao ang nangangailangan ng kanyang tulong. Pero, lagi siyang naglalaan ng oras upang makapagdasal at sumangguni sa Ama.
Hindi mauubos ang mga gawain. Hindi rin mauubos ang mga taong nangangailangan ng tulong. Huwag nating piliting tapusin ito sa isang araw lang. May bukas pa. Kailangan din nating mabalanse ang pisikal, emosyonal at espirituwal nating mga pangangailangan. Kung hindi natin ito gagawin, magkakaroon tayo ng “fatigue at burn-out”. Hindi tayo Diyos. Limitado ang ating kakayahan, maging ang ating lakas. Kailangan nating huminto sandali. Palakasin natin ang ating mga sarili, lalo’t higit ang ating “spiritual” side. Dahil dito tayo mas huhugot nang lakas at linaw nang pag-iisip at pagunawa sa ating mga kailangang harapin at gawin.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022