Ebanghelyo: Lucas 14:1, 7-14
Isang Araw ng Pahinga, pumasok si Jesus sa bahay ng isang pinuno ng mga
Pariseo para kumain, at minamanmanan naman nila siya. May talinhaga siyang sinabi nang mapuna niyang pinipili ng mga inimbita ang mga unang puwesto: “Kung anyayahan ka sa isang kasalan, huwag kang lumagay sa unang puwesto. Baka may kinumbidang mas importante kaysa iyo, at darating ang kumumbida sa inyong dalawa para sabihing ‘Ibigay mo sa kanya ang puwestong ito.’ Kaya mapapahiya ka’t pupunta sa huling puwesto. Sa halip, kung anyayahan ka, sa huling puwesto ka pumunta sapagkat pag dating ng kumumbida sa iyo, sasabihin niya sa iyo: ‘Kaibigan, lumapit ka pa.’ Kaya mapararangalan ka sa harap ng lahat ng inanyayahan. Sapagkat ibababa ang lahat ng nagpapakataas at itataas ang nagpapakababa.” Sinabi naman ni Jesus sa nag-anyaya sa kanya: “Kung maghahanda ka ng tanghalian o hapunan, huwag mga kaibigan mo o mga kapatid mo o mga kamaganak o mayayamang kapitbahay ang iyong kumbidahin, baka kumbidahin ka rin nila at susuklian ka. Kung maghahanda ka, mga dukha, mga bale-wala, mga pilay at mga bulag ang kumbidahin mo. At magiging mapalad ka dahil hindi ka nila masusuklian
ngunit sa pagkabuhay ng mga mabuti ka susuklian.”
Pagninilay
“Anyayahan mo ang mga dukha.” “Kung aanyayahan ka sa isang kasalan, huwag kang lumagay sa unang pwesto. Baka may kinumbidang mas importante kaysa iyo… Kung maghahanda ka, mga dukha, mga bale-wala, mga pilay at mga bulag ang kumbidahin mo. At magiging mapalad ka.” Kadalasan ay transaksional ang ating ugnayan sa isat-isa. Mamahalin kita, subalit mahalin mo rin ako. Patatawarin kita, subalit patawarin mo rin ako. Paglilingkuran kita, subalit paglingkuran mo rin ako. Kukumbidahin kita, subalit kumbidahin mo rin ako. Subalit iba, ang pamantayan ni Jesus: Anyayahan mo ang mga dukha: mga balewala sa lipunan, mga pilay, mga bulag, mga bingi, mga palaboy, mga taong grasa, at iba pa. Hindi ka nila magagantihan, hindi ka nila maaanyayahan sa kanilang piging, subalit sila ang bigyan mo ng importansiya. Bakit? Una, ang Diyos ay may espesyal na pagtingin sa kanila gaya ng ipinahayag ng mga propeta sa Lumang Tipan. Pangalawa, sila yung kadalasan hindi pinapansin ng lipunan at hindi pinahahalagahan, sa Kaharian ng Diyos, mayroon silang lugar. Pangatlo, sa ating pagdamay at pagtulong, sumusunod tayo kay Jesus na nagsabi: Anuman ang gawin ninyo sa mga kapatid kung ito, ay ginawa ninyo sa akin. Ako ang dinalaw ninyo sa bilangguan! Ako ang pinuntahan ninyong maysakit! Ako ang dinalhan ninyo ng makakain! Ako ang inyong pinaramtan!
© Copyright Pang Araw-araw 2025