Ebanghelyo: Juan 20:1a at 2-8
Ngayon, pagkatapos ng Araw ng Pahinga, habang madilim pa, maagang pumunta sa libingan si Maria Magdalena, nang makita Niyang tanggal ang bato mula sa libingan, patakbo siyang pumunta kay Simon Pedro at sa isa pang alagad na mahal ni Jesus. Sinabi Niya sa kanila: “May kumuha sa Panginoon mula sa libingan, at hindi namin alam kung saan nila Siya inilagay.” Kaya lumabas si Pedro at ang isa pang alagad, at pumunta sa libingan. Sabay na tumakbo ang dalawa. Ngunit mas mabilis tumakbo kay Pedro ang isa pang alagad, at unang nakarating sa libingan. Pagkayuko Niya’y nakita Niyang nakalatag ang mga telang lana pero hindi Siya pumasok. Dumating namang kasunod Niya si Simon Pedro, at pumasok sa libingan. Napansin Niya ang mga telang lana na nakalatag, at ang panyo namang nakatalukbong sa ulo Niya ay di kasama sa mga telang lana na nakalatag kundi hiwalay na nakabilot sa mismong lugar nito. Pumasok noon ang isa pang alagad, ang unang nakarating sa libingan, at nakita Niya at siya’y naniwala.Pagninilay
Pag-ibig. Ito ang paulit-ulit na tema ng Mabuting Balita at mga sulat na likha ni Apostol San Juan. Ngunit higit sa isang konsepto o ideya, ang pag-ibig ayon kay Juan ay isang karanasan. Ang pag-ibig ay isang pakikipag-ugnayan at hindi matatawarang biyaya ng pagiging natatangi at minamahal. Kanino pa ba higit mararanasan ang wagas na pag-ibig na ito kundi mula sa isang dakilang kaibigan na nagwika: “Wala nang pag-ibig na hihigit pa sa pag-aalay ng sariling buhay alang-alang sa Kanyang mga kaibigan.” (Jn 15:13) May batayan ang pananampalataya ni Juan. Pumasok ang alagad sa libingan at “nakita Niya at siya’y naniwala”. Kawalan ang nakita Niya sa libingan, ngunit ang pagmamahal ni Jesus na Kanyang naranasan kailanman ay hindi maglalaho. Sapat na ‘yon upang siya’y maniwala.© Copyright Pang Araw-Araw 2019