Ebanghelyo: Mateo 9:35—10:1, 5a, 6-8
At nilibot ni Jesus ang mga bayan at mga nayon; nagtuturo siya sa kanilang mga sinagoga, nagpapahayag ng Mabuting Balita ng Kaharian at nagpapagaling ng lahat ng sakit at karamdaman. Nang makita niya ang makapal na tao, naawa siya sa kanila sapagkat hirap sila at lupaypay na parang mga tupang walang pastol. At sinabi niya sa kanyang mga alagad: “Marami nga ang aanihin at kakaunti naman ang mga manggagawa. Idalangin ninyo sa panginoon ng ani na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang ani.” Tinawag ni Jesus ang labindalawa niyang alagad at binigyan sila ng kapangyarihan sa maruruming espiritu para palayasin ang mga ito at pagalingin ang lahat ng sakit at karamdaman. Sinugo ni Jesus ang labindalawang ito at pinagbilinan: “Hanapin ninyo ang nawawalang tupa ng sambayanan ng Israel. Ipahayag ang mensaheng ito sa inyong paglalakbay: ‘Palapit na ang kaharian ng Langit.’ Pagalingin ang maysakit, buhayin ang patay, linisin ang mga may ketong at palayasin ang mga demonyo. Tinanggap ninyo ito nang walang bayad kaya ibigay rin ninyo nang walang bayad.”
Pagninilay
Upang maipamalas ni Jesus ang kanyang misyon sa pagtaguyod ng Kaharian ng Diyos sa mundo, ginampanan niya ito sa pamamagitan ng salita at gawa. Ibinahagi niya sa kanyang pangangaral ang mensahe ng Kaharian ng Diyos at pinatotohanan ito ng kanyang mga gawa sa pamamagitan ng pagpapagaling sa mga maysakit at pagpapalayas sa mga masasamang espiritu. Walang imposible sa Panginoon kaya magagawa niya ang lahat. Tayo rin, gaya ng mga apostoles, ay pinili at sinusugo upang ipahayag ang mabuting balita ng Kaharian. Ang mga apostol ay mga ordinaryong tao at si Jesus lamang ang nakababatid kung bakit ginawa nila siyang kanyang mga apostol at kaagapay sa kanyang misyon. Ano pa ang maaari nating maiambag sa pagsasakatuparan ng Kaharian ng Diyos dito sa lupa?
© Copyright Pang Araw-Araw 2021