Ebanghelyo: Mateo 3:1-12
Nang panahon ding iyon, dumating sa disyerto ng Judea si Juan Bautista at nagsimulang magpahayag: “Magbagong-buhay kayo, lumapit na ang paghahari ng Langit!” Siya ang tinutukoy ni Propeta Isaias nang sabihin niyang: “Naririnig ang sigaw sa disyerto: Ihanda ang daan para sa Panginoon, ituwid ang kanyang landas.”
Balahibo ng kamelyo ang suot ni Juan; at may sinturong katad sa baywang, at balang at pulot-pukyutang-gubat ang kinakain. May mga taga-Jerusalem, taga-Judea at mula sa buong rehiyon ng Jordan na pumunta sa kanya. Inaamin nila ang kanilang mga kasalanan at binibinyagan sila ni Juan sa Ilog Jordan.
Nang makita niya na lumalapit sa kanya ang ilang Pariseo at Sadduseo para magpabinyag, sinabi niya: “Lahi ng mga ulupong! Sino ang nagsabi sa inyong matatakasan ninyo ang darating na paghatol? Patunayan ninyo ang inyong pagbabagong-buhay, at huwag ipagyabang na ‘si Abraham ang ama namin.’ Sinasabi ko sa inyo na kahit sa mga batong ito’y makagagawa ng mga anak ang Diyos para kay Abraham! Nakaamba na ang palakol sa tabi ng ugat ng mga puno para sibakin ang alinmang punong hindi namumunga ng mabuti, at itatapon ito sa apoy.
Sa tubig ko kayo binibinyagan para sa pagbabagong-buhay pero kasunod kong darating ang isang makapangyarihan pa sa akin. Hindi nga ako karapat-dapat magdala sa kanyang sandalyas. Bibinyagan niya kayo sa Espiritu Santo at sa apoy. Siya ang nakahandang magtahip sa lahat ng butil ng trigo. Lipunin niya ang lahat ng butil sa kanyang kamalig ngunit susunugin ang mga ipa sa apoy na walang hanggan.”
Pagninilay
Dalawang bagay ang maaari nating pagnilayan mula sa Ebanghelyo. Una, binabanggit ni Juan Bautista ang pangangailangan para sa pagbabagong-buhay dahil malapit na ang paghahari ng langit. May mga nakinig at nagpabinyag kay Juan tanda ng kanilang pagsisisi. Binigyang diin ni Juan ang pagbabagong-buhay. Ikalawa, pumunta naman tayo sa pangkasalukuyang panahon. Sa panahong ito ng adbiyento, inaanyayahan
din tayo ng Simbahan tulad ng ginawa ni Juan Bautista. Pero ngayon, si
Jesus na siyang pinaghahandaan noon ay matagal nang dumating, humigit nang dalawang libong taon ang nakalilipas. Pero ang paanyaya sa pagsisisi at pagbabagong-buhay ay nananatili. May pagkakaiba nga lamang ngayon. Dahil dumating na si Jesus, mayroon tayong mga tulong para sa pagpapakabuti. Noon, ang binyag ni Juan ay pagsisisi, ngayon ang binyag na ating tinanggap noong tayo ay musmos pa ay binyag ng pagiging anak ng Diyos. At bilang anak ng Diyos tinanggap natin ang Espiritu Santo na siyang tumutulong sa atin upang maisabuhay ang katotohanang ito. Dagdag pa rito ang iba pang mga sakramento. Noon ang anak ng Diyos ay hinihintay pa lamang. Ngayon ang Anak ng Diyos ay dumating na at iniwanan tayo ng mga sakramento, tanda na Siya ay patuloy na kapiling natin at nagbibigay- biyaya. Walang dahilan para hindi tayo magbago.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022