Ebanghelyo: Mateo 7:21, 24-27
Hindi lahat ng nagsasabi sa akin ng ‘Panginoon! Panginoon!’ ay papasok sa kaharian ng Langit kundi ang nagsasagawa sa kalooban ng Diyos ang siyang papasok sa kaharian ng Langit. Kaya kung may nakikinig sa mga salita ko at sumusunod dito, matutulad siya sa isang matalinong nagtayo ng bahay sa batuhan. Bumagyo at bumaha ang ilog at humangin nang malakas, ngunit hindi nagiba ang bahay sapagkat itinayo ito sa batuhan. At ang sinumang nakakarinig sa aking mga salita at hindi nagsasagawa nito, matutulad siya sa isang hangal na nagtayo ng bahay sa buhangin. Bumagyo at bumaha ang ilog at humangin nang malakas, at bumagsak ang bahay at kay laking kapahamakan!
Pagninilay
“Ang kalooban ng Diyos.” Ang awit ng ating Mahal na Ina na “Ang puso ko’y nagpupuri” ay isang awit ng pagpapaalala namahalaga ang kalooban ng Diyos. Ang Mahal na Birhen ang tinukoy ng ating Panginoon na matalinong nagtayo ng bahay sa batuhan. Dahil sa kanyang buhay ang Diyos ang nasunod. Naging kalooban ni Maria ang kalooban ng Diyos. Si Yawe ang tinutukoy na bato at ang bahay ay ang ating buhay. Kung ang Diyos ang kinatatayuan ng ating buhay ay hindi tayo mabubuhay ng ayon sa ating sarili. Bilang tumugon sa tawag ng pagpapari malinaw dapat sa akin na hindi na mahalaga ang aking buhay at ang kailangan ay dapat gampanin ang tungkuling maglingkod sa simbahan. Noong ako ay sakristan pa sa edad na 10 ay pinuntahan ako ng aming head sacristan at sinabing may pagpupulong. Kahit nakagayak na ako at ang aking pamilya sa panonood ng sine pinili ko na ang pumunta ako sa pagpupulong sa simbahan. May mga gusto tayong gawin pero hindi ito aakma sa panawagan ng pagmamahal. Laging may sakripisyo. Laging may pagkakataong pipili tayo kung gagawin ang kalooban ng iyos o ang kalooban natin. Ang panalangin ang pinakamabisang paraan para malaman ang kalooban ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-araw 2025





