Ebanghelyo: Mateo 8:5-11
Pagdating ni Jesus sa Caper naum lumapit sa kanya ang isang kapitan at nakiusap sa kanya: “Ginoo, nakahiga sa bahay ang aking katulong. Lumpo siya at sobra na ang paghihirap…” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Paroroon ako at paga galingin ko siya.” Sumagot ang kapitan: “Hindi ako karapat-dapat para tumuloy ka sa bahay ko. Mag-utos ka lang at gagaling na ang aking katulong. May nag-uutos sa akin at may inuutusan din ako, at pag sinabi ko sa isa sa mga kawal na nasa ilalim ko: ‘Pumaroon ka,’ pumaparoon siya. At sinasabi ko naman sa isa pa: ‘Pumarito ka,’ at pumaparito siya; at sa aking katulong: ‘Gawin mo ito,’ at ginagawa niya ito.” Nang marinig ito ni Jesus, humanga siya at sinabi sa mga sumu sunod sa kanya: “Sinasabi ko sa inyo, wala pa akong natagpuang ganitong paniniwala sa Israel. Sinasabi ko sa inyo: marami ang darating mula sa silangan at sa kanluran para makisalo kina Abraham, Isaac at Jacob sa kaha rian ng Langit.
Pagninilay
“Panginoon, hindi ako karapat-dapat na magtuloy sa Iyo ngunit sa isang Salita Mo lamang ay gagaling na ako.” Ito ang mga salitang sinasambit bago tayo tumanggap sa banal na pakikinabang. Tulad ito sa binanggit ng opisyal na sundalong nagsumamo kay Jesus na pagalingin ang kanyang kawal na may sakit. Itinuring niya ang kanyang sarili na hindi karapat-dapat magsumamo kay Jesus na pumunta sa kanyang tahanan. Sa kabila nito, lubos ang pananampalataya niya sa Kanyang salita na manunumbalik ang kalusugan ng kanyang kawal. Hindi siya Israelita, pero nanalig siya kay Jesus upang humingi ng kagalingan. Nagpapakita ito na ang Salita ni Jesus ay mapagpala sa mga nanalig sa kanya. Mahalaga na bigyan natin ng halaga ang Salita ng Panginoon upang matamasa natin ang mapagpala Niyang kapangyarihan, kahit pa hindi tayo karapatdapat sa pagtanggap nito.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023