Ebanghelyo: Mateo 18:12-14
Ano sa palagay ninyo? Kung may sandaang tupa ang isang tao at naligaw ang isa sa mga ito, hindi ba niya iiwan sa kaburulan ang siyamnapu’t siyam para hanapin ang naliligaw? At sinasabi ko sa inyo: Kapag nakita niya ito, mas matutuwa pa siya rito kaysa siyamnapu’t siyam na hindi naligaw. Gayundin naman, ayaw ng inyong Amang nasa Langit na mawala isa man sa maliliit na ito.
Pagninilay
“Patuloy niya tayong hahanapin.” “Wala ng silbi ang isang iyan, palitan na natin ang isang iyan”. Madalas itong sinasabi ng isang tao kapag ang isang bagay ay hindi na mapapakinabangan o wala ng maaaring maitulong sa kanya. Ang pinakamasakit na kalakaran pa sa ating mundo ay maaari tayong manawa sa ating mga kapatid na Napakatigas ng ulo at panay problema na lang ang ibinibigay sa atin. Maaaring ito ay ang ating kapatid na nalulong sa masamang bisyo o kaya naman ay ang ating anak na nagtanan dahil sa pagkahumaling sa mababaw na pagtingin sa pag-ibig. Madalas ang mga taong ito, bagama’t inamin ang kanilang pagkakamali at handang magbalik-loob ay hindi na natin nabibigyan ng isa pang pagkakataon para makapagbagong- buhay o bumangon sa kanilang pagkakasadlak. Sila ay kinakailangan ng lubos na paggabay at tulong. Na sa kabila ng lahat ay mayroon pa ring handang magmalasakit. Ang maikling parabulang ito sa mabuting balita ay nagpapakita na katulad ng Diyos, kahit gaano man lumayo ang tao sa Kanya ay patuloy pa rin niya tayong hahanapin at handang iwan ang siyamnapu’t-siyam na hindi naligaw. Tayo kaya, nakikita kaya natin ang kahalagahan ng ating kapatid na naliligaw? Hanapin mo at magmalasakit sa kapatid mong ito. Ikatutuwa ito ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-araw 2025





