Ebanghelyo: Lucas 1:39-47 (o Lucas 1:26-38)
Nang mga araw ring iyo’y nagmamadaling naglakbay si Maria papunta sa isang bayan sa mataas na lupain ng Juda. Pumasok siya roon sa bahay ni Zacarias at binati si Elizabeth. Nang marinig ni Elizabeth ang bati ni Maria, sumikad ang sanggol sa sinapupunan niya, at napuspos ng Espiritu Santo si Elizabeth at malakas siyang sumigaw at sinabi: “Lubos kang pinagpala sa mga kababaihan. Pinagpala rin ang bunga ng iyong sinapupunan! Sino nga ba naman ako’t naparito sa akin ang ina ng aking Panginoon? Nang umabot sa aking pandinig ang iyong pagbati, sumikad sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan. Pinagpapala ang naniniwalang magaganap ang mga sinabi sa kanya ng Panginoon.” At sinabi ni Maria: “Dinadakila ng aking kaluluwa ang Panginoon at nagagalak ang aking espiritu sa Diyos na aking Tagapagligtas.
Pagninilay
Noong bumisita si Maria sa kanyang pinsan na si Elisabet, pagkabati pa lang ni Maria ay “sumikad ang sanggol sa sinapupunan” ni Elisabet. Nasa sinapupunan pa lamang si Juan ay nakilala niya agad ang Tagapagligtas. Napasambit din si Elisabet sa tuwa, “Lubos kang pinagpala sa mga kababaihan. Pinagpala rin ang bunga ng iyong sinapupunan!” Nahawaan si Elisabet ng kakaibang galak na walang katulad sa mahahanap sa mundong ito. Ang kagalakan nina Elisabet at Juan ay mula sa presensiya ng grasya ng Diyos: mula sa sanggol na si Jesus na siyang pinagmumulan ng lahat ng pagpapala at si Maria na ginawang tahanan ng Diyos ng pagpapala. Gusto natin lahat ay masaya at mayroong “good vibes”. Tularan natin ang halimbawa ni Maria na siyang dumalaw sa kanyang pinsan hindi lamang magbigay ng magandang pakiramdam o aliw kundi tunay na kabutihan at pagpapala. Para makapagbigay tayo ng “good vibes” sa iba, dapat munang taglay natin ang “goodness” na makakamtan lang natin kung si Jesus ay nasa ating mga isipan at puso, katulad ng pagdadala ni Maria kay Jesus sa kanyang sinapupunan. Ang tunay na pagpapala at kasiyahan ay nagmumula lamang sa Diyos.
© Copyright Pang Araw-araw 2025





