Ebanghelyo: Mateo 17:9a, 10-13
At sa pagbaba nila mula sa bundok, inutusan sila ni Jesus na huwag sabihin kaninuman ang pangitain hanggang maibangon ang Anak ng Tao mula sa mga patay.” Tinanong naman siya ng mga alagad: “Bakit sinasabi ng mga guro ng Batas na dapat munang pumarito si Elias?” At sumagot si Jesus: “Dapat nga munang dumating si Elias para ayusin ang lahat ng bagay. Ngunit sinasabi ko sa inyo na dumating na si Elias pero hindi nila siya nakilala, at
pinakitunguhan nila siya ayon sa kanilang kagustuhan. At sa gayon ding paraan magdurusa ang Anak ng Tao sa kamay nila.” At naunawaan ng mga alagad na si Juan Bautista ang tinutukoy ni Jesus.
Pagninilay
“Nagduda at nagtanong pa rin sila.” Likas sa ating mga tao ang pagdududa. May mga pagkaka-taon na kahit alam nating may kapangyarihan na tao ay hirap pa rin tayong magtiwala. Sa ebanghelyo, nabasa natin na binalaan ni Jesus ang mga alagad na huwag sabihin kaninuman ang pangitain kasama ang pagkakakita nila kay Elias. Bagama’t kanila na mismong naranasan, nagduda at nagtanong pa rin ang mga alagad kung dapat pa nga munang dumating si Elias para ayusin ang lahat ng bagay. Katulad ng mga alagad, madalas sa ating buhay, alam na natin kung paanong inihahanda ng Diyos ang ating buhay para sa kaluwalhatian ngunit dahil dala ng ating kahinaan at ng mga masasamang karanasan, nagdududa pa rin tayo kung paanong hindi tayo papabayaan ng Diyos. Ilang araw na lang at pasko na. Maaring ang iba sa atin ay labis ang pagdududa para sa kahulugan ng kapaskuhan dahil sa ating naranasan sa buong taon. Nawa, tulad ng mga alagad, mabuksan ang ating isipan at mga mata na ang bawat isa ay inihahanda ng Diyos sa pagtanggap natin sa buhay na walang hanggan. Sa kabila ng ating pagdurusa, tulad ni Jesus, makakamtan rin natin ang kaluwalhatian sa piling ng Poong Mahal.
© Copyright Pang Araw-araw 2025





