Ebanghelyo: Lucas 1:5-25*
Sa kapanahunan ni Herodes na hari ng Judea, may isang paring nagngangalang Zacarias, mula sa pangkat ni Abias. Mula rin sa lahi ni Aaron ang kanyang asawa na Elizabeth ang pangalan. (…) Ngunit wala silang anak dahil baog si Elizabeth at kapwa matanda na sila. Minsan, habang naglilingkod si Zacarias sa harap ng Diyos nang turno pa ng kanyang pangkat, nagpalabunutan sila ayon sa kaugalian ng kaparian at siya ang napiling pumasok sa santuwaryo ng Panginoon para magsunog ng insenso. Kaya sa oras ng pag-aalay ng insenso habang nananalangin ang buong bayan sa labas, napakita sa kanya ang anghel ng Panginoon, nakatayo sa gawing kanan ng altar ng insenso. Naligalig si Zacarias at sinidlan ng takot pagkakita rito. Ngunit sinabi sa kanya ng anghel: “Huwag kang matakot, Zacarias; dininig na ang iyong panalangin. Ipanganganak sa iyo ng asawa mong si Elizabeth ang isang anak na lalaki, at pangangalanan mo siyang Juan. Magiging ligaya at tuwa mo siya, at marami rin ang magagalak dahil sa kanyang pagsilang. Magiging dakila nga siya sa harap ng Panginoon. Hindi siya iinom ng alak ng ubas o ng butil at mapupuspos siya ng Espiritu Santo mula sa sinapupunan ng kanyang ina. Panunumbalikin niya ang maraming anak ng Israel sa Panginoong kanilang Diyos. Mangunguna siya sa Panginoon taglay ang diwa at kapangyarihan ni Elias para papagkasunduin ang mga magulang at mga anak, at ibalik ang mga masuwayin sa pagunawang bagay sa mga makatarungan upang maihanda ang isang bayang angkop sa Panginoon.” Sinabi naman ni Zacarias sa anghel: “Paano ko ito matitiyak? Matanda na nga ako at may katandaan na rin ang aking asawa.” Sumagot ang anghel at sinabi sa anya: “Ako si Gabriel na nasa harap ng Diyos. Ako ang sinugo sa iyo para kausapin ka’t ihatid ang magandang balitang ito. Matutupad sa takdang panahon ang aking mga salita; ngunit ikaw na di naniniwala ay magiging pipi at di makapagsasalita hanggang sa araw na mangyari ang mga ito.” (…) Nang matapos na ang panahon ng kanyang paglilingkod, umuwi si Zacarias. At pagkaraan ng mga araw, nagdalantao ang asawa niyang si Elizabeth ngunit limang buwan itong di lumabas ng bahay at sinabi: “Ito’y gawa ng Panginoon! Ipinasya niyang alisin ang kahihiyan ko sa paningin ng mga
tao.”
Pagninilay
“Unahin natin ang Panginoon.” Si Zacarias at Elisabeth na pinsan ni Maria ay walang anak hanggang pagtanda. Kaya naman ganoon na lamang ang wika ni Elisabeth nong siya’y nagdalangtao, “Ngayo’y nilingap ako ng Panginoon. Ginawa niya ito upang alisin ang aking kadustahan sa harap ng mga tao.” Tila tayo ay katulad ni Elisabeth sapagkat sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos sa atin tinanggal at inalis din ng Diyos ang ating kadustahan. Ito ang pinakamalaking biyaya sa atin ng Diyos ay noong ibigay Nya mismo sa atin ang kanyang Anak para sa katubusan ng mundo. At sa darating na Pasko ng Pagsilang nawa’y ganito muli ang ating maranasan sapagkat Siya ang ating Diyos at Tagapagligtas. Dahil Kay Jesus, nagkaroon tayo ng buhay na walang hanggan. Ang kamatayan para sa mga nanalig sa Kanya ay hindi na lamang basta kamatayan dahil sa pamamagitan Niya makakapasok na tayo sa Langit kung tayo’y mananatili sa pagsunod sa Kanya at pag-Iwas sa matinding pagkakasala. Ang regalo ng Diyos Kay Elisabeth ay ang kanyang pagdadalang-tao at ang regalo naman ng Diyos sa mundo ay ang pag dating ng kanyang Anak dito sa mundo. Nawa’y magawa nating unahin ang Panginoon sa lahat ng bagay at handa ang ating sarili sa pamamagitan ng pagsisimba at pangungumpisal.
© Copyright Pang Araw-araw 2025




