Ebanghelyo: Lucas 1:46-56
At sinabi ni Maria: “Dinadakila ng aking kaluluwa ang Panginoon at nagagalak ang aking espiritu sa Diyos na aking Tagapagligtas dahil isinaalang-alang niya ang abang utusan niya, at mula ngayon, ituturing akong mapalad ng lahat ng salinlahi.
Dakila nga ang ginawa sa akin ng Makapangyarihan, banal ang kanyang Pangalan.
Patuloy ang kanyang awa sa mga sali’t salinlahi para sa mga may pitagan sa kanya.
Ipinakita niya ang lakas ng kanyang bisig, ipinagtabuyan ang mga taong may mapagmataas na balak.
Pinatalsik niya sa luklukan ang mga makapangyarihan, itinampok naman ang mga balewala.
Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom at itinaboy namang walang-wala ang mayayaman.
Nilingap niya ang Israel na kanyang lingkod, inalaala ang kanyang awa sa ipinangako niya sa ating mga ninuno, kay Abraham at sa kanyang angkan magpakailanman.”
Mga tatlong buwang nanatili si Mariang kasama ni Elizabeth at saka nagbalik sa kanyang bahay.
Pagninilay
“Kinalimutan na yata tayo ng Diyos!” Ito marahil ang nasa isipan ng mga Judio habang sila ay naghihintay sa ipinangakong tagapagligtas ng Israel. Pero ang kanilang inaasahan ay yaong magpapalaya sa kanila sa pagkalupig ng mga Romano. Wala silang kaalam-alam, ang Diyos ay hindi nakakalimot sa Kanyang ginawang pangako. Patuloy ang paghahanda para sa pagkakatawang- tao ng Ikalawang Persona ng Diyos, na isisilang ng isang birhen. Sinabi ni Maria: “Nilingap Niya ang Israel na Kanyang lingkod, inalaala ang Kanyang awa sa ipinangako Niya sa ating mga ninuno, kay Abraham at sa kanyang angkan magpakailanman.”
Matagal na rin namang dumating si Jesus, ang tagapagligtas. Maaaring sabihin natin. “Parang wala ring nangyari. Narito pa rin ang patayan, ang pagsasamantala, ang mga bagyo, mga virus at sa huli mamamatay din ang lahat. May nangyari nga ba?”
May nangyayari pero tulad noon iba ang ating hinahanap. Kumikilos si Jesus sa mga matiyagang nagmamahal, sa mga nagtitiis huwag lamang gumawa ng masama, sa mga nagpapatawad, sa mga nagkasala sa kanila at sa mga patuloy na nagpapasan ng kanilang krus araw-araw bilang pagsunod kay Jesus. Ikaw, kasama mo rin ba ngayon si Jesus?
© Copyright Pang Araw-Araw 2022