Ebanghelyo: Lucas 1:57-66
Nang sumapit na ang panganganak ni Elizabeth, isang anak na lalaki ang isinilang niya. Narinig ng mga kapitbahay at mga kamag-anakan niya kung gaano nagdalang-awa sa kanya ang Panginoon kayat nakigalak sila sa kanya.
Nang ikawalong araw na, dumating sila para tuliin ang sanggol at pangangalanan sana nila itong Zacarias gaya ng kanyang ama. Sumagot naman ang kanyang ina: “Hindi, tatawagin siyang Juan.” Pero sinabi nila sa kanya: “Wala ka namang kamag-anak na may ganyang pangalan.” Kaya sumenyas sila sa ama ng sanggol kung ano ang gusto niyang itawag dito.
Humingi siya ng isang sulatan, at sa pagtataka ng lahat ay kanyang isinulat: “Juan ang pangalan niya.” Noon di’y nabuksan ang kanyang bibig at nakalag ang kanyang dila. Nakapagsalita siya at nagpuri sa Diyos.
Kaya namayani ang banal na pagkatakot sa kanilang mga kapitbahay. At naging usap-usapan ang lahat ng pangyayaring ito sa buong mataas na lupain ng Juda. Nagisip- isip ang mga nakarinig at nagtanungan: “Ano na kaya ang mangyayari sa sanggol na ito?” Dahil sumasakanya ngang talaga ang kamay ng Panginoon.
Pagninilay
Noong sinabi ng anghel kay Zacarias na si Elizabeth ay manganganak ng isang lalaki at Juan ang ipapangalan sa kanya, hindi siya naniwala. Kaya siya napipi. Nang dumating ang sandali na papangalanan na ang sanggol, Juan ang ibinigay ni Zacarias. At muli siyang nakapagsalita.
Tayo sa iba’t ibang paraan ay katulad din ni Zacarias. Nag-aalinlangan din tayo. Hindi lamang yan. Nagkakasala pa tayo. Pero tulad ni Zacarias, hindi ito ang katapusan ng lahat. Kung paanong sumampalataya rin sa huli si Zacarias at sinunod ang salita ng anghel, tayo rin ay may pagkakataon na magbago. Mula sa pagiging makasarili at matigas ang ulo, magmahal tayo at maging masunurin sa Diyos. Itakwil ang pride na siyang kinatitisuran natin. Matutong maglingkod at magpatawad. Sa gayon, tulad ni Zacarias, manunumbalik sa atin ang kagalakan at kapayapaan bunga ng pananampalataya at pagtalima.
Malapit na ang Birthday ni Jesus. Lahat ng mga Kristiyano ay may karapatan na magsaya anuman ang kanyang kalagayan sa buhay. Si Jesus ay dumating upang tubusin tayo sa ating pagkakasala. Iwanan na natin ang dating makasalanang gawi at salubungin si Jesus nang may malinis na puso.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022