Ebanghelyo: Lucas 1:67-79
Napuspos ng Espiritu Santo ang ama niyang si Zacarias at nagpropesiya nang ganito: “Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel, dahil nilingap niya at tinubos ang kanyang bayan. Mula sa sambahayan ni David na kanyang lingkod, ibinangon niya ang magliligtas sa atin, ayon sa ipinangako niya noong una sa pamamagitan ng mga banal niyang propeta: kaligtasan mula sa ating mga kaaway at sa kamay ng mga namumuhi sa atin. Nagpakita siya ng awa sa ating mga ninuno at inalaala ang banal niyang tipan, ang pangakong sinumpaan niya sa ating amang si Abraham na ililigtas tayo sa kamay ng ating mga kaaway, upang walang takot natin siyang mapaglingkuran, nang may kabanalan at katarungan sa harap niya sa buong buhay natin.
At ikaw naman na munti pang anak ay tatawaging propeta ng Kataas-taasan. Mangunguna ka nga sa Panginoon para ihanda ang kanyang daan. Ituturo mo ang kaligtasan sa kanyang bayan sa pagpapatawad niya sa kanilang mga sala.
Ito ang gagawin ng maawaain nating Diyos sa pagpapasikat niya sa atin ng araw na galing sa kaitaasan upang liwanagan ang mga nananatili sa kadiliman at sa lilim ng kamatayan, at akayin ang ating mga yapak sa daan ng kapayapaan.”
Pagninilay
Sa Pilipinas, Setyembre pa lamang ay nagpapatugtog na ng mga awiting pamasko. At habang papalapit ito, lalong sumisidhi ang pananabik ng lahat, lalo na ng mga bata. Tatanggap kasi sila ng mga pamasko. Ngayon ang pinakahuling araw ng paghahanda. Ang mga magulang ay may nakatabi nang mga iluluto. Ang mga ninong at ninang ay may nabili na ring mga regalo sa mga inaanak. Ang mga magkasintahan ay may kanya-kanyang sorpresa. Lahat ay nananabik sa pagdating ng araw ng Pasko.
Pero bakit nga kaya tayo nagdiriwang ng Birthday ni Jesus? Ano ang dahilan nito? Itanong natin mismo sa Diyos na siyang nagpadala sa atin kay Jesus. Sabi ni Zacarias sa Ebanghelyo: “Ito ang gagawin ng maawain nating Diyos… upang liwanagan ang mga nananatili sa kadiliman at sa lilim ng kamatayan, at akayin ang ating mga yapak sa daan ng kapayapaan.” Kumusta ka? Tanggapin natin ang liwanag na dulot ni Jesus, iwanan na natin ang kadiliman dala ng kasalanan. Tanggapin natin ang pagpapatawad ni Jesus at mararanasan din natin ang tunay na kapayapaan!
© Copyright Pang Araw-Araw 2022