Ebanghelyo: Mateo 10:17-22
“Mag-ingat sa mga tao; ibibigay nga nila kayo sa mga sanggunian at hahagupitin kayo sa kanilang mga sinagoga. Dadalhin din nila kayo sa mga pinuno at mga hari dahil sa akin, at dapat kayong magbigay-patotoo sa kanila at sa mga pagano.
“Pag nilitis naman kayo, huwag mag-alala sainyong sasabihin; sa oras na iyo’y ibibigay nga sa inyo ang inyong sasabihin. Sapagkat hindi kayo ang magsasalita kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang magsasalita sa pamamagitan ninyo.
“Ipapapatay ng kapatid ang sariling kapatid, ng ama ang kanyang anak; at isasakdal ng mga anak ang kanilang mga magulang at ipapapatay sila. Kamumuhian kayo ng lahat dahil sa akin, ngunit ang mananatiling matatag hanggang wakas ang siyang maliligtas. “
Pagninilay
Tapos na ang Pasko. Haaayy! May puyat, may masakit ang ulo sa hang-over, may tulog maghapon at baka mayroon pang nagkagalit. Tila yata ang pagdiriwang ng Pasko ay malayo sa tunay na diwa nito na pagdiriwang dahil isinilang ang tutubos sa ating mga kasalanan. Lalo ba tayong napalapit sa Diyos? Nadagdagan ba ang ating pagmamahalan sa isa’t isa?
Mabuting pang balikan ang mga nangyari simula noong Setyembre na unang inawit ang mga Christmas songs, hanggang nagsimula ang adbiyento, hanggang nagsimula ang mga simbang gabi at hanggang sa araw mismo ng Pasko. Sa mga panahong ito, kasama ba sa eksena ang Diyos?
Magkaanu-ano man ang Ebanghelyo ay nagbibigay sa atin ng paala- ala na tuloy ang pagsasabuhay ng pagiging Kristiyano. Sa misa, inaalala natin si San Esteban, ang unang martir na nagpatotoo kay Jesus. Maaaring hindi tayo tinawag na maging martir pero tinawag tayo na maging saksi ni Jesus sa ating mga desisyon, wika at gawa. Paano ito? Sa pagiging tapat araw-araw bilang asawa, magulang, anak, kapatid, empleyado, at namumuno. Bunga ng pagkakatawang-tao ng Diyos, tayo’y naging mga anak ng Diyos. Pangatawanan at isabuhay natin ito.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022