Ebanghelyo: Lucas 2:22-35
Nang dumating na ang araw ng paglilinis nila ayon sa Batas ni Moises, dinala ang sanggol sa Jerusalem para iharap sa Panginoon tulad ng nasusulat sa Batas ng Panginoon: Lahat ng panganay na lalaki ay ituturing na banal para sa Panginoon. Dapat din silang mag-alay ng sakripisyo tulad ng binabanggit sa Batas ng Panginoon: isang pares na batubato o dalawang inakay na kalapati. Ngayon, sa Jerusalem ay may isang taong nagngangalang Simeon; totoong matuwid at makadiyos ang taong iyon. Hinihintay niya ang pagpapaginhawa ng Panginoon sa Israel at sumasakanya ang Espiritu Santo. Ipinaalam naman sa kanya ng Espiritu Santo na hindi siya mamamatay hangga’t hindi niya nakikita ang Mesiyas ng Panginoon. Kaya pumunta siya ngayon sa Templo sa pagtutulak ng Espiritu, nang dalhin ng mga magulang ang batang si Jesus para tuparin ang kaugaliang naaayon sa Batas tungkol sa kanya. Kinalong siya ni Simeon sa kanyang mga braso at pinuri ang Diyos, at sinabi: “Mapayayaon mo na ang iyong utusan, Panginoon, nang may kapayapaan ayon na rin sa iyong wika; pagkat nakita na ng aking mga mata ang iyong pagliligtas na inihanda mo sa paningin ng lahat ng bansa, ang liwanag na ibubunyag mo sa mga bansang pagano at ang luwalhati ng iyong bayang Israel.” Nagtataka ang ama at ina ng bata sa mga sinasabi tungkol sa kanya. Pinagpala naman sila ni Simeon at sinabi kay Mariang ina ng bata: “Dahil sa kanya, babagsak o babangon ang mga Israelita at magiging tanda siya sa harap nila at kanilang sasalungatin. Kaya mahahayag ang lihim na pagiisip ng mga tao. Ngunit paglalagusan naman ng isang punyal ang puso mo.”
Pagninilay
“Ilaw ng sanlibutan.” Sa ating Mabuting Balita, nakita ni Simeon ang liwanag na matagal niyang hinihintay nang kalungin niya ang sanggol na si Jesus sa kanyang mga braso. Dahil dito, naganap na ang kanyang hinihintay at handa na siyang pumayapa na. Si Jesus ang liwanag ng mundo dahil siya ang magpapakita sa atin kung paano nga ba tunay na magmahal sa ating kapwa. Ayon sa ating unang pagbasa mula sa unang sulat ni San Juan, “Sa liwanag nananatili ang may pagmamahal sa kapatid.” Sa tuwing nanatili tayo sa pagmamahal, tayo ay nagiging liwanag sa ibang tao. Maaaring maliit man ang pamamaraan ng ating pagmamahal – sa simpleng pagbati, pagbukas ng pinto, o paggalang sa iba – ngunit maaaring ito ang liwanag na hinahanap ng ibang tao na maaari sa mga panahong iyon ay nangangailangan ng kaunting liwanag sa kabila ng dinaranas nilang problema. Hindi kailangan magbigay ng maraming pera o gumawa ng isang dakilang bagay para maging liwanag tayo sa ibang tao. Kung lahat tayo ay sama-samang gagawa ng mumunting kabutihan, katulad ng sama-samang pagningning ng mga Christmas lights, tayong mga Kristiyano ay maihahalintulad kay Kristo na siyang tunay na Ilaw ng Sanlibutan.
© Copyright Pang Araw-araw 2025