Ebanghelyo: Lucas 2:36-40
May isa ring babaeng propeta, si Ana na anak ni Panuel na mula sa tribu ng Aser. Matandang-matanda na siya. Pagkaalis sa bahay ng kanyang ama, pitong taon lamang silang nagsama ng kanyang asawa, at nagbuhay-biyuda na siya at hindi siya umaalis sa Templo. Araw-gabi siyang sumasamba sa Diyos sa pag-aayuno at pananalangin. Walumpu’t apat na taon na siya. Sa pag-akyat niya sa sandaling iyon, nagpuri rin siya sa Diyos at nagpahayag tungkol sa bata sa lahat ng naghihintay sa katubusan ng Jerusalem. Nang matupad na ang lahat ng ayon sa Batas ng Panginoon, umuwi sila sa kanilang bayan, sa Nazaret sa Galilea. Lumalaki at lumalakas ang bata; napuspos siya ng karunungan at sumasakanya ang kagandahang-loob ng Diyos.
Pagninilay
Ang buhay ni Ana’y tahimik na nakatago sa templo at walang sawang nanalangin at nanampalataya sa Diyos. Ganun din ang buhay ni Jesus habang siya’y lumalaki, tahimik na lumipas sa loob ng tatlumpung taon sa isang maliit na bayan. Sa nakatagong panahong ito’y lumago si Jesus at naging malakas at puno ng karunungan ng Espiritu. Panginoon, tulungan mo akong pahalagahan ang tahimik kong buhay-panalangin na aking nilalaan alang-alang sa Iyo. Tulad ni Ana na nagniningning ang mga mata dahil nasilayan Ka niya, nawa’y masilayan din Kita sa tahimik kong pagsunod sa Iyo sa bawat araw ng aking buhay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020