Ebanghelyo: Juan 1:1-18
Sa simula’y naroroon na nga ang Wikang Salita, at naroroong kaharap ng Diyos ang Salita, at Diyos ang Salita. Naroroon na nga siyang kaharap ng Diyos sa simula. Sa pamamagitan niya nayari tanang mga bagay, at hiwalay sa kanya’y walang anumang nayari. Ang niyari ay sa kanya nagkabuhay, at ang buhay ang liwanag para sa mga tao. Nagningning sa karimlan ang liwanag at di ito nasugpo ng karimlan. May taong sugo ang Diyos – Juan ang kanyang pangalan. Dumating siya para sa pagpapatunay, para magpatunay tungkol sa Liwanag, upang makapanalig ang lahat sa pamamagitan niya. Hindi siya mismo ang Liwanag, kundi para magpatunay tungkol sa Liwanag. Pagkat paparating noon sa mundo ang Liwanag na totoo na siyang nagliliwanag sa bawat tao. Nasa mundo na nga siya, ang mundong nayari sa pamamagitan niya, at di naman siya kinilala ng mundo. Sa sariling kanya siya dumating at hindi siya tinanggap ng mga kanya. Ngunit sa lahat ng tumanggap sa kanya sa pananalig sa kanyang Pangalan, binigyang-kakayahan nga niya sila na maging mga anak ng Diyos. Ipinanganak nga sila, hindi mula sa dugo, ni mula sa kagustuhan ng laman, ni sa kagustuhan ng lalaki kundi mula sa Diyos. At naging laman ang Wikang-Salita, at itinayo ang kanyang Tolda sa atin, at nakita natin ang kanyang Luwalhati, Luwalhating mula sa Ama na bagay sa bugtong na Anak, lipos ng Kagandahang-loob at Katotohanan. Nagpapatunay sa kanya si Juan at isinisigaw: “Siya ang sinabi kong ‘Nauna na sa akin ang dumating na kasunod ko, pagkat bago ako’y siya na’.” Mula sa kanyang kapuspusan nga tumanggap tayong lahat – oo, abut-abot na kagandahang-loob. Sa pamamagitan ni Moises ibinigay ang Batas, sa pamamagitan naman ni Jesucristo dumating ang Kagandahangloob at Katotohanan. Kailanma’y walang sinumang nakakita sa Diyos; ang Diyos na Anak na bugtong siyang nasa kandungan ng Ama – ang nagpahayag sa kanya.
Pagninilay
“Ang Salita ng Diyos … at ang salita ay naging tao
at tumahan sa amin.” Sa huling araw ng taon, bumalik tayo sa pambungad na mga pahayag ng ebanghelyo ni San Juan. Ito ay nagpapaalala sa atin at nagpapalakas ng ating pag-unawa na kasama natin ang iisang Diyos. Ito ay isang dakilang misteryo sa pagkilala ng tao kay Kristo. Ngunit hindi natin kailangang mag-alala. Dahan-dahan sa araw-araw na pagbabasa ng salita ng Diyos sa ating Liturhiya, dahan-dahan din nating makikilala kung sino si Kristo. Bukas ng umaga sa unang araw ng Bagong Taon, tutulungan tayo ni Maria na makilala ang kanyang Anak at sasamahan din niya tayo sa buong taon upang sundan si Jesus mula sa kanyang kapanganakan, hanggang sa paanan ng krus, at sa kanyang pagkabuhay muli. Nawa’y makiisa tayo sa kanyang paglalakbay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021