Ebanghelyo: Lc 2: 16-21
Kaya nagmamadali silang pumunta at natagpuan nila si Maria at si Jose at ang sanggol na nakahiga sa sabsaban. Pagkakita rito, pinatotohanan nila ang pahayag na binigkas sa kanila tungkol sa batang ito. Namangha rin ang mga nakarinig sa mga sinasabi ng pastol sa kanila.
Iningatan naman ni Maria ang mga ito at pinagnilay-nilay sa kanyang puso.
Umuwi ang mga pastol na niluluwalhati at pinupuri ang Diyos dahil nakita nila ang lahat ng kanilang narinig ayon sa ipinasabi sa kanila. Pagsapit ng ikawalong araw, kailangan nang tuliin ang bata; noon siya pinangalanang Jesus, ang itinawag sa kanya ng anghel bago pa siya ipinaglihi.
Minsan ay sinabi ni Carlo Cardinal Martini, dating Arsobispo ng Milan, Italya, “Kay Maria ay nagtatagpo ang alaala at pasasalamat.” Ngayong unang araw ng taon ay nakatuon ang ating pansin kay Maria, Ina ng Diyos. Tinuturuan niya tayo na alalahanin ang nakaraan at samahan ito ng pasasalamat. Sa ebanghelyo ngayon ay binanggit ni San Lucas na “pinagnilay-nilay” ng Mahal na Birhen ang ipinahayag ng mga pastol. Sa wikang Griego, ang ginamit na salita ay “symballein” na sa wikang Ingles ay “to put things together.” Ibig sabihin, sa pagninilay ni Maria ay pinagsama-sama niya sa kanyang alaala ang mga pangyayari kaugnay ng pagsilang ni Jesus. Maganda na sa pasimula ng Bagong Taon ay tipunin din natin sa ating alaala ang mga karanasan ng nakalipas na taon. Ang mga ito man ay biyaya o pagsubok, lahat ay nakatulong sa ating paglago lalo na sa pananampalataya. Tulad ni Maria, tayo rin ay magpasalamat. Angkinin natin ang kanyang Awit ng Pagpupuri at sabihin din natin, “Mga dakilang bagay ang ginawa sa akin ng Panginoon.” Sa ating pag-alaala at pasasalamat sa mga biyayang tinanggap, magkakaroon tayo ng pag-asa sa mga biyayang darating pa sa ating buhay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024