Ebanghelyo: Juan 1:19-28
Ito ang pagpapatunay ni Juan nang papuntahin sa Kanya ng mga Judio ang ilang mga pari at Levita mula sa Jerusalem para tanungin siya: “Sino ka?” Inako Niya di ipinagkaila, inako nga Niyang “Hindi ako ang Kristo.”
At tinanong nila siya: “Ano ka kung gayon? Si Elias ka ba?” At sinabi Niya: “Hindi.” “Ang Propeta ka ba?” Isinagot naman Niya: “Hindi.” Kaya sinabi nila sa Kanya: “Sino ka ba? Para may maisagot kami sa mga nagpapunta sa amin. Ano ba ang masasabi mo tungkol sa ‘yong sarili?”
Sumagot Siya gaya ng sinabi ni Propeta Isaias: “Tinig ako ng isang sumisigaw sa disyerto: Tuwirin ang daan ng Panginoon.”
May mga pinapunta mula sa mga Pariseo. At tinanong nila siya: “Eh, ba’t ka nagbibinyag kung hindi ikaw ang Kristo, ni si Elias, ni ang Propeta?” Sinagot sila ni Juan: “Sa tubig ako nagbibinyag ngunit may nakatayo sa piling ninyo na hindi n’yo kilala. Siya ang dumating na kasunod ko pero hindi ako karapat-dapat magkalag ng panali ng Kanyang panyapak.”
Sa Betaraba nangyari ang mga ito, sa kabilang-ibayo ng Jordan na pinagbibinyagan ni Juan.
Pagninilay
“Hindi ako.” Ito ang tugon ni Juan Bautista sa mga tanong sa kanya ng kanyang pagkakakilanlan bilang Mesiyas. Sa mundong lubos na pinahahalagahan ang lakas at kapangyarihan, madali sanang matukso ang isang tao na angkinin ang posisyong ito. Subalit malinaw kay Juan Bautista ang kanyang tungkulin. Hindi siya ang Mesiyas ngunit tagapaghanda lamang ng kanyang daraanan. Sa lipunang ninanais ng tao na ang sarili ang maging sentro, sa mundo ng “ako, akin at sa akin,” maging halimbawa nawa ang “Hindi ako” ni Juan Bautista. Ang kanyang pagpapakumbaba ang sa kanya’y nagtaas at nagpadakila. Nakikilala ng mundo si Jesus sa ating paglimot sa sarili at pagpapakumbaba. Nawa ang bagong taon na ito ay hindi maging tungkol sa atin kundi sa paghahari ni Jesus.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021