Ebanghelyo: Jn 1: 19-28
Ito ang pagpapatunay ni Juan nang papuntahin sa kanya ng mga Judio ang ilang mga pari at Levita mula sa Jerusalem para tanungin siya: “Sino ka?” Inako niya di ipinagkaila, inako nga niyang “Hindi ako ang Kristo.” At tinanong nila siya: “Ano ka kung gayon? Si Elias ka ba?” At sinabi niya: “Hindi.” “Ang Propeta ka ba?” Isinagot naman niya: “Hindi” Kaya sinabi nila sa kanya: “Sino ka ba? Para may maisagot kami sa mga
nagpapunta sa amin. Ano ba ang masasabi mo tungkol sa ‘yong sarili?”
Sumagot siya gaya ng sinabi ni Propeta Isaias: “Tinig ako ng isang sumisigaw sa disyerto: Tuwirin ang daan ng Panginoon.” May mga pinapunta mula sa mga Pariseo. At tinanong nila siya: “Eh, ba’t ka nagbibinyag kung hindi ikaw ang Kristo, ni si Elias, ni ang Propeta?” Sinagot sila ni Juan: “Sa tubig ako nagbibinyag ngunit may nakatayo sa piling ninyo na hindi n’yo kilala. Siya ang dumating na kasunod ko pero hindi ako karapatdapat magkalag ng panali ng kanyang panyapak.” Sa Betaraba nangyari ang mga ito, sa kabilang-ibayo ng Jordan na pinagbibinyagan ni Juan.
Pagninilay
Marunong lumugar. Ganyan si San Juan Bautista. Kilala niya ang kanyang sarili. Hindi siya si Elias. Hindi siya ang propetang hinihintay. Lalong hindi siya ang Mesiyas. Siya ay tagapaghanda lamang ng daraanan ng Panginoon. Ni hindi siya karapat-dapat magkalag ng tali ng panyapak ni Jesus. Tunay na mababangloob si Juan Bautista. Isang hamon ito sa ating lahat. May mga pagkakataon na umaasta tayong animo ay makapangyarihan kahit tayo ay tagasunod lamang. Sabi nga, para tayong insektong kung tawagin ay bangaw na nakadapo sa kalabaw. Akala natin ay kasintaas tayo ng kalabaw na dinadapuan. Nakakalimutan nating tayo ay isang maliit na nilalang lamang. Kilalanin natin ang ating sarili. Unawain natin ang ating pinanggalingan at limitasyon sa buhay. Kumilos tayo ayon sa ating kakayanan at katatayuan. Hindi tayo maaaring mangpanggap na hari kung tayo ay alipin lamang. Sabi nga ni San Francisco de Sales, ang kabanalan ng tao ay nasa kanyang ordinaryong gawain. Kung ikaw ay guro, pagbutihin mo ang iyong pagtuturo. Magiging banal ka sa iyong silid-aralan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024