Ebanghelyo: Jn 1: 29-34
Kinabukasan, nakita niya si Jesus na papalapit sa kanya kaya sinabi niya: “Hayan ang Kordero ng Diyos, sa kanya napapawi ang sala ng mundo. Ito ang tinutukoy ko nang sinabi kong ‘Isang lalaki and kasunod kong dumarating, nauna na siya sa akin pagkat bago ako’y siya na.’ Wala nga akong alam sa kanya pero upang mahayag siya sa Israel ang dahilan kaya dumating akong nagbibinyag sa tubig.” At nagpatunay si Juan sa pagsasabing “Nakita ko ang Espiritu na bumababa mula sa langit gaya ng isang kalapati, at namalagi sa kanya. Wala nga akong alam sa kanya pero ang nagpadala sa akin na magbinyag sa tubig ang siya ring nagsabi sa akin: ‘Kung kanino mo makitang bumababa ang Espiritu at namamalagi sa kanya, ito ang magbibinyag sa Espiritu Santo!” Nakita ko at pinatutunayan ko na siya nga ang hinirang Diyos.”
Pagninilay
Maganda ang espirituwalidad ng Mother Butler Guild. Ito ang kanilang layunin – to know Jesus and to make him known. To love Jesus and to make him loved.” Ipakilala si Jesus – Ito ang layunin ni Juan Bautista. Nagbibinyag siya sa tubig upang ipakilala si Jesus sa Israel. Nais niyang ipakilala si Jesus bilang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan. Paano ba natin ipakikilala si Jesus sa ibang tao? Ito ay sa pamamagitan ng pangangaral. Mas matibay ang pagbibigay ng magandang halimbawa. Sabi nga ni San Francisco de Asis, “Mangaral ka at kung kailangan ay gamitan mo ng salita. “ Ibig sabihin ay mas mainam ang pagiging saksi sa iyong sinasabi, ang pagsasabuhay ng iyong ipinangangaral. Hindi lamang mga pari ang may makapropetang tungkulin na mangaral upang ipakilala si Jesus. Sa bisa ng binyag, lahat ay may gampaning ipakilala ang Panginoon. Minsan ay tinanong ako kung ano raw ang aking misyon. Mabilis ang aking tugon – “dalhin si Jesus sa mga tao at dalhin ang mga tao kay Jesus.”
© Copyright Pang Araw-Araw 2024





