Ebanghelyo: Jn 1: 35-42
Kinabukasan, naroon na naman si Juan at dalawa sa kanyang mga alagad. Pagdaan ni Jesus, tinitigan niya ito at sinabi: “Hayan ang Kordero ng Diyos.” At narinig siyang nagsasalita ng dalawang alagad kaya sinundan nila si Jesus. Lumingon si Jesus at nakita niya silang sumusunod, at sinabi niya sa kanila: “Ano’ng hinahanap n’yo?” Sumagot naman sila sa kanya, “Rabbi (na kung isasalin ay Guro), saan ka namamalagi?” At sinabi niya sa kanila: “Halikayo at inyong makikita.” At pumaroon sila at nakita kung saan siya namamalagi, at maghapon silang namamalagi sa kanya. Magiikapat ng hapon ang oras noon. Si Andres na kapatid ni Simon Pedro and isa sa dalawang sumunod sa kanya pagkarinig kay Juan. Una niyang natagpuan ang kapatid niyang si Simon at sinabi sa kanya: “Natagpuan namin ang Mesiyas (na kung isasalin ay Pinahiran).” Inihatid niya siya kay Jesus. Tinitigan siya ni Jesus at sinabi nito: “Ikaw si Simon na anak ni Juan. Tatawagin kang Kefas (na kung isasalin ay Pedro).”
Pagninilay
Tunay na mas kilala ng marami si San Pedro kaysa sa kanyang kapatid na si San Andres. Paano nga nama’y siya ang nangunguna sa labindalawang apostol. Gayun pa man, napakahalaga ng papel na ginampanan ni San Andres. Siya ang nagpakilala ng kanyang kapatid sa Panginoon. Isinama niya si Pedro kay Jesus. Noon din ay pinangalanan ni Jesus si Simon bilang Pedro. Ilan na ba ang ating naisama kay Jesus? Ilang tao na ang napalapit sa Panginoon dahil sa ating pangangaral at mabuting halimbawa? Kaygandang marinig ng ganitong mga salita – “Salamat sa iyo. Dahil sa iyo ay nakilala ko si Kristo. Dahil sa iyo ay nagbago ang aking buhay at natutunan kong sumunod sa Panginoon.” Sa mga bata ay may tungkulin tayo. Hindi artista o mang-aawit o basketbolista ang una nating ipakilala sa kanila. Una nating ituro ang tungkol kay Jesus. Akayin natin sila papunta sa Simbahan. Turuan natin silang magdasal at magmahal sa Misa. Nagiging idolo nila ang mga sikat na tao. Mas maganda kapag nakilala nila at naging idolo si Jesus.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024





