Ebanghelyo: Lucas 4:14-22
Nagbalik si Jesus sa Galilea na taglay ang kapangyarihan ng Espiritu at lumaganap sa buong kapaligiran ang balita tungkol sa kanya. Kinaugalian niyang magturo sa kanilang mga sinagoga, at pinupuri siya ng lahat.
Pagdating niya sa Nazaret, kung saan siya lumaki, pumasok siya sa sinagoga sa Araw ng Pahinga ayon sa kanyang kinaugalian. Tumindig siya para bumasa ng Kasulatan, at iniabot sa kanya ang aklat ni Propeta Isaias.
Sa paglaladlad niya sa rolyo, natagpuan niya ang lugar kung saan nasusulat: “Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon kayat pinahiran niya ako upang ihatid ang mabuting balita sa mga dukha. Sinugo niya ako upang ipahayag ang paglaya sa mga bilanggo, sa mga bulag ang pagkabawi ng paningin, upang bigyang-ginhawa ang mga api, at ipahayag ang taon ng kabutihang-loob ng Panginoon.”
Binilot ni Jesus ang aklat, ibinigay ito sa tagapaglingkod at naupo. At nakatuon sa kanya ang mga mata ng lahat ng nasa sinagoga. Sinimulan niyang magsalita sa kanila: “Isinakatuparan ang Kasulatang ito ngayon habang nakikinig kayo.”
At sumang-ayon silang lahat sa kanya habang nagtataka sa gayong pagpapahayag ng kabutihang-loob ng Diyos na nanggaling sa kanyang bibig. At sinabi nila: “Hindi ba’t ito ang anak ni Jose?”
Pagninilay
May kasabihan sa Ingles, “familiarity breeds contempt.” May mga taong akala nila ay kilalang-kilala na nila tayo, na lahat ng sasabihin o gagawin natin, alam na nila o inaasahan nila sa atin. At minsan, pinaniniwalaan natin sila, kaya naman ikinakahon na natin ang ating sarili. Hindi na natin nakikita na pwede tayong magbago o maging mas mabuting tao. Ang simpleng komento na, “kilala na kita”, “taga-rito ka di ba?”, “dito ka nag-aral di ba?” ay nagiging isang pantukoy kung sino ka o ano ka, o ang kakayahan mo. Nagiging hadlang tuloy ito sa pagpapahayag ng iyong tunay na pagkatao.
Kung pinaniniwalaan ni Jesus ang pagkakakilala sa kanya ng mga tao, na siya ay “anak ni Jose,” marahil magdududa siya sa narinig niya nung binautismuhan siya ni San Juan, na siya ay anak ng Diyos. Kailangan nating makita ang ating sarili, hindi sa pagkakakilala sa atin ng mga tao, pero kung ano ang pagkakakilanlan sa atin ng ating Ama. Kapag tinitingnan ba natin ang ating sarili, ito ba ay galing sa pananaw ng mga tao sa atin? O tinitingnan natin ang ating sarili kung paano tayo nakikilala ng Ama?
© Copyright Pang Araw-Araw 2022