Ebanghelyo: Marcos 6:45-52
Agad na pinilit ni Jesus na sumakay sa bangka ang mga alagad at pinauna sa Betsaida sa kabilang ibayo habang pinaaalis Niya ang mga tao. At pagkapaalis Niya sa kanila, mag-isa siyang lumayo papunta sa kaburulan para manalangin. Nasa laot na ang bangka nang gumabi at nag-iisa naman siyang nasa lupa. Nakita Niya silang nahihirapan sa pagsagwan sapagkat pasalungat ang hangin. Kaya nang madaling-araw na, pinuntahan sila ni Jesus na naglalakad sa dagat at waring lalampas sa kanila. Nang makita nila siyang naglalakad sa dagat, akala nila’y multo siya. Kaya sumigaw sila. Nakita nga Siya nilang lahat at nasindak sila. Ngunit agad Niya silang kinausap: “Lakasan ang loob! Ako ito, huwag kayong matakot.” Nang nakasakay na Siya sa bangka kasama nila, tumigil ang hangin kaya lalo pa silang namangha. Hind nga nila naunawaan ang tungkol sa mga tinapay, dahil sarado ang kanilang isip.
Pagninilay
Batid ko kung paano kapag ang isang tao ay nasa gitna ng laot at dumating ang isang bagyo. Ito ay talagang nakakatakot na karanasan. Sa sandaling iyon, taimtim akong nanalangin para sa tulong ng Diyos. Ang pakiramdam na ikaw ay walang magagawa upang umiwas dito ay nagtutulak sa akin na kumapit sa Panginoon. Sa pagkakataong iyon ay pinapayapa ko ang aking sarili sa mga salita ng Panginoon, “Lakasan ang iyong loob, ako nga ito, huwag kang matakot.” Iyon ang nagbigay sa akin ng lakas ng loob na harapin ang mga bagyo sa aking buhay. Sa halip na tanungin ko ang Panginoon kung bakit dumarating ang mga pagsubok sa aking buhay, natutunan kong pasalamatan siya, dahil ang mga pagsubok na iyon ang nagtulak sa akin na kumapit sa Panginoon. Ang mga bagyo ay naging dahilan upang ako’y lumapit sa Panginoon.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020