Ebanghelyo: Juan 3:22-30
Pagkatapos nito, pumunta si Jesus at ang Kanyang mga alagad sa lupain ng Judea, at tumigil Siya roong kasama nila at nagbinyag. Nagbibinyag din noon si Juan sa Ainon na malapit sa Salim dahil maraming tubig doon, at may mga nagsisidating at nagpapabinyag. Hindi pa nabibilanggo noon si Juan.
At nagkaroon ng pagtatalo ang mga alagad ni Juan at ang isang Judio tungkol sa paghuhugas. Pinuntahan nila si Juan at sinabi sa Kanya: “Rabbi, ang kasa-kasama mo sa ibayo ng Jordan, na pinatunayan mo, nagbibinyag Siya ngayon at sa Kanya pumupunta ang lahat.” Sumagot si Juan: “Walang anumang makukuha ang isang tao malibang ibigay ito sa Kanya ng Langit.
Kayo mismo ang makapagpapatunay na sinabi kong ‘Hindi ako ang Mesiyas kundi sinugo akong manguna sa Kanya.’ Sa nobyo ang nobya. Naroon naman ang abay ng nobyo para makinig sa Kanya at galak na galak Siya sa tinig ng nobyo. Ganito ring lubos ang aking kagalakan. Dapat siyang humigit at ako nama’y lumiit.”
Pagninilay
Ang turo sa atin ng mundo ay pagalingan at paunahan. Kung nauna ako sa ‘yo, mas magaling ako. Kung nagawa ko ito bago ikaw, mas magaling ako. Mas nakakatanda ako sa’yo, mas magaling ako. Nakikita natin ito sa araw-araw. Kahit sa simpleng gawain gaya ng pagsakay ng jeep. Kailangang maunahan ko kayong lahat. Hindi ako lilinya, babrasuhin ko lahat ng nauna sa akin. At kung magawa ko ito, magaling ako!
Pero pansinin natin si San Juan Bautista. Bagaman nauna siya sa kanyang pinsan na si Jesus, naki-kita lamang niya ang sarili bilang tagapag panguna. Lagi niyang sina-sabi, hindi ako ang mesiyas. May susunod sa akin na mas magaling pa sa akin. Kaya nalilito ang kanyang mga disipulo. Hindi ba mas matanda ka run? Mas nauna kang magpaha-yag ng salita ng Diyos? Pero dahil alam niya kung sino siya, handa siyang isantabi ang sarili at lumiit. Sa buhay ba natin nangingibabaw si Jesus, o mas tinitingnan ba natin ang ating sarili na mas magaling?
© Copyright Pang Araw-Araw 2022