Ebanghelyo: Mc 1: 21-28
At pumunta sila sa Capernaum. At nagturo siya sa sinagoga sa mga Araw ng Pahinga. Nagulat ang mga tao sa kanyang pangangaral sapagkat nangaral siya nang may kapangyarihan, hindi gaya ng mga guro ng Batas. May isang tao sa sinagoga na inaalihan ng isang maruming espiritu. Sumigaw ito: “Ano ang kailangan mo sa akin, Jesus na taga-Nazaret? Para ipahamak kami kaya ka dumating. Alam ko kung sino ka: ang Banal ng Diyos.” Ngunit iniutos sa kanya ni Jesus: “Tumahimik ka’t lumabas sa kanya.” Matinding niyugyog ng espiritu ang taong iyon at pagkasigaw nang malakas ay saka lumabas. Talagang takang-taka ang lahat at nagusap- usap sila: “Ano ito? Isang bagong pagtuturo na may kapangyarihan! Inuutusan niya kahit maruruming espiritu at sinusunod nila siya.” At lumaganap ang katanyagan niya saan man sa buong lupain ng Galilea.
Pagninilay
Ibang magsalita si Sta. Teresa ng Calcutta.Noong nabubuhay pa siya ay pinaniwalaan siya ng lahat ng nakikinig sa kanyang pananalita. Ano ang kanyang sikreto? Nakikita sa kanyang buhay ang kanyang pangaral. May karapatan siyang mangaral ukol sa pagmamahal sapagkat nilibot niya ang mga lansangan upang kalingain ang mga may sakit at pakanin ang mga nagugutom. Salitang may kalakip na gawa. Ganyan ang kapangyarihan ni Jesus. Nagulat ang lahat sa kanyang pangangaral. May taglay itong kapangyarihan. Ang autoridad ni Jesus ay nasa kanyang pagsaksi. Siya ay halimbawa ng kanyang pangangaral. Maraming mga mangangaral sa kanyang kapanahunan. Mahusay silang magsalita ngunit ito ay di nakikita sa gawa. Nais ba nating maging epektibo sa ating pangangaral? Matuto tayong magsabuhay. Sa wikang Ingles ay may tinatawag na “walk the talk.” Magiging kapani-paniwala tayo kapag ang ating salita ay katugma ng ating pagkilos. Paniniwalaan ang mga magulang na nagtuturo ng ukol sa panalangin kapag nakikita ng mga anak na sila ay nakikitang nakaluhod at taimtim na nagdarasal.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024





