Ebanghelyo: Juan 3:13-17
Walang umakyat sa langit maliban sa bumaba mula sa langit – ang Anak ng Tao. At kung paanong itinaas ni Moises ang ahas sa disyerto, gayundin dapat itaas ang Anak ng Tao upang magkaroon ng buhay magpakailanman ang bawat nananalig sa kanya. Ganito nga kamahal ng Diyos ang mundo! Kayat ibinigay niya ang kanyang bugtong na anak upang hindi na mawala ang bawat nananalig sa kanya kundi magkaroon ng buhay magpakailanman. Hindi nga sinugo ng Diyos sa mundo ang Anak upang hukuman ang mundo kundi upang maligtas ang mundo sa pamamagitan niya.
Pagninilay
Binibigyang diin ngayon ng Kapistahan ng Jesus Nazareno ang pagpapakasakit at pag-aalay ng sarili ni Jesus. Dahil nga ipinagdiriwang pa rin natin ang Pasko sa panahon ng liturhiya, maraming makakapagsabi na pawang hindi naaayon sa tema ang Kapistahan na ito, ngunit kung titingnan natin ng mabuti, ang ebanghelyo ay nagpapahiwatig nang katotohanan kung bakit kinailangan nating gawin ang Pasko ng Pagsilang. Sinabi nga ni Jesus: “Gayun na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” Bahagi ng buhay pananampalataya ng mga Pilipino ang pamimintuho sa imahen ng Nazareno, sapagkat nakikita natin na si Jesus na nakikiisa sa ating mga hinagpis, mga pagdurusa, at mga suliranin. Siya ay naparito upang ipakita, ipamalas, iparamdam ang pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ng Kaniyang mga salita, gawa, at pag-aalay ng sarili. Ang Kapistahan ng Poong Jesus Nazareno ay maging paalala nawa na sa gitna ng mga pagsubok natin sa buhay, ang bawat pagpapakasakit ay magdala sa atin sa pagkilala kay Jesus, ang Mukha ng Awa, ang Diyos ng Pag-ibig.
© Copyright Pang Araw-araw 2026




