Ebanghelyo: Juan 3:22-30
Pagkatapos nito, pumunta si Jesus at ang Kanyang mga alagad sa lupain ng Judea, at tumigil Siya roong kasama nila at nagbinyag. Nagbibinyag din noon si Juan sa Ainon na malapit sa Salim dahil maraming tubig doon, at may mga nagsisidating at nagpapabinyag. Hindi pa nabibilanggo noon si Juan. At nagkaroon ng pagtatalo ang mga alagad ni Juan at ang isang Judio tungkol sa paghuhugas. Pinuntahan nila si Juan at sinabi sa Kanya: “Rabbi, ang kasa-kasama mo sa ibayo ng Jordan, na pinatunayan mo, nagbibinyag Siya ngayon at sa Kanya pumupunta ang lahat.” Sumagot si Juan: “Walang anumang makukuha ang isang tao malibang ibigay ito sa Kanya ng Langit. Kayo mismo ang makapagpapatunay na sinabi kong ‘Hindi ako ang Mesiyas kundi sinugo akong manguna sa Kanya.’ Sa nobyo ang nobya. Naroon naman ang abay ng nobyo para makinig sa Kanya at galak na galak Siya sa tinig ng nobyo. Ganito ring lubos ang aking kagalakan. Dapat siyang humigit at ako nama’y lumiit.”
Pagninilay
Ang makamundong mga pamantayan ay nagtutulak sa tao na maghangad ng higit pa sa halos lahat ng aspeto ng buhay, upang maging laging mas mahusay at mas makapangyarihan kaysa sa iba. Ang kumpetisyon ay makikita sa iba’t ibang antas ng lipunan: sa akademya, mga lugar ng trabaho, at maging sa relasyon ng mga magkakapatid. Ang saloobin ni Juan Bautista na ipinakita sa ebanghelyo ngayon ay humahamon sa mundong ito, “Dapat siyang (si Jesus) humigit at ako nama’y lumiit.” Ito ay tunay na nakabibilib ngunit napakabihira nang matagpuan sa panahon ngayon. Ang hayaan natin ang iba na umangat habang pinipili natin na mawala sa eksena ay hindi madali. Kinakailangan ang higit na pagpapakumbaba upang aminin na hindi tayo palagi ang pinakamagaling sa lahat ng aspeto ng buhay. Ang isang paraan upang mapanatili tayong mapagpakumbaba ay ang tandaan na tayo ay alabok at sa alabok ay babalik tayo.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020